Inihayag ni Col. Robert Baesa, hepe ng Taguig City police, na tanggap ng pamilya ng dalawang babaeng estudyanteng natagpuang patay sa loob ng Signal Village National High School (SVNHS) na wala umanong foul play sa nangyari sa kanilang kaanak.

Ayon kay Baesa, nakausap nila ang pamilya ng dalawang estudyanteng sina Irish Sheen Manalo, 13-anyos na nasa Grade 8, at Mary Nicole Picar, 15-anyos na nasa Grade 10, nitong Sabado, Nobyembre 11.

Natanggap umano ng pamilya ng mga estudyante ang paliwanag ng mga pulis na walang lumabas na foul play base sa kanilang initial evidence.

Samantala, inihayag din ng police chief na hinihintay pa nila ang resulta ng crime laboratory o ng forensic unit investigation.

2 babaeng estudyante, natagpuang patay sa isang paaralan sa Taguig

“Antay pa ‘yun result ng crime lab, pero initial investigation wala kami nakita foul play” ani Baesa.

Matatandaang inulat ng Taguig police kamakailan na nakita umanong wala nang buhay ang dalawang estudyante dakong 11:00 ng gabi noong Nobyembre 10 sa loob ng Girls Scout Mini Office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng SVNHS.

Natagpuan umanong nakasabit ang katawan ng dalawa gamit ang tali sa leeg at nakakabit sa steel grill sa naturang opisina.

Naglabas na rin ng pahayag ang Department of Education (DepEd) hinggil sa nangyari sa dalawang estudyante.

https://balita.net.ph/2023/11/12/deped-may-pahayag-sa-pagkamatay-ng-2-estudyante-sa-taguig-school/