Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Nobyembre 12, na kasalukuyan nitong binabantayan ang isang low pressure area (LPA) na nabuo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Public Weather Forecast nitong 4:00 ng madaling araw, sinabi ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA sa labas ng PAR 2,045 kilometro ang layo sa silangan ng Northeastern Mindanao.

“Sa ngayon, dahil hindi pa ganap na bagyo ang LPA ay hindi pa natin agad na masasabi kung ito ay magiging bagyo at kung saan ito dadaan,” ani Badrina.

Samantala, tuwing buwan naman umano ng Nobyembre ay kadalasang tumatawid ang mga bagyo sa mga bahagi ng Visayas o nagre-recurve at nakaaapekto rin sa Bicol area.

Ilang LGUs naglabas na ng guidelines para sa Undas 2024

“Kapag na-develop na po into a tropical cyclone itong LPA na ito, mas masasabi na po natin kung ano ang posibleng maging track nitong potensyal na sama ng panahon,” saad ni Badrina.

Posible naman umano itong pumasok ng PAR sa susunod na mga araw.

Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa susunod na 24 oras, inihayag ng PAGASA na malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, at Camarines Norte dahil sa shear line.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang inaasahang maranasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley bunsod ng amihan.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Maaari namang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.