Naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) hinggil sa naging pagkamatay ng dalawang babaeng estudyante sa loob ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig City noong Biyernes, Nobyembre 10.
Base sa ulat ng Taguig police, nakita umanong wala nang buhay ang dalawang estudyanteng kinilalang suba Irish at Mary dakong 11:00 ng gabi noong Biyernes sa loob ng Girls Scout Mini Office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng SVNHS.
Natagpuan umanong nakasabit ang katawan ng dalawa gamit ang tali sa leeg at nakakabit sa steel grill sa naturang opisina.
Si Mary, 15, ay isa raw Grade 10 student, habang Grade 8 naman si Irish na nasa 13-anyos ang edad.
Kaugnay nito, inihayag ng DepEd nitong Sabado, Nobyembre 11, na labis umano silang nalulungkot sa nangyari sa dalawang estudyante.
Siniguro rin ng ahensya na makikipagtulungan umano sila sa Philippine National Police (PNP) Taguig sa pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nangyari.
“The DepEd fully commits to cooperate with the PNP Taguig regarding this matter, and is committed towards the swift and expeditious conduct of the ongoing investigation,” pahayag ng DepEd.
“We express our deepest sympathies to the families. The loss of young lives is a devastating blow to any community.”
“Likewise, the Department appeals to the public to respect the privacy of the families during this tragic time,” dagdag pa nito.