Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang kaniyang paghanga kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte kaugnay ng pagsuko nito sa hiling na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd.

“Hinahangaan ko po si Vice President Sara Duterte for no longer pursuing the request for confidential funds so that we could already settle this divisive issue,” ani Go sa isang pahayag.

Samantala, patuloy naman daw susuportahan ng senador si Duterte bilang bise presidente at kalihim ng DepEd, kung saan iginiit din niya ang pangangailangan umano na i-reallocate ang available resources para sa “educational advancement.”

“Iisang boto lang naman ako sa Senado, pero ang posisyon ko ay kung anuman ang tinanggal na budget sa DepEd, dapat itong ibalik sa pamamagitan ng mga programa na makakabenepisyo sa mga kababayan natin lalung-lalo na po sa pagtugon sa backlog natin sa classrooms,” giit ni Go.

VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

“Bilang kasapi po ng Senate Committee on Basic Education at Vice Chair po ng Committee on Finance, nananatili po ang aking tiwala sa ating Bise Presidente at sa ating Secretary po ng DepEd,” saad pa niya.

Matatandaang dumalo si Duterte sa Senate plenary session para sa proposed national budget noong Huwebes, Nobyembre 9, kung saan binasa ni Senador Sonny Angara ang kaniyang pahayag na hindi na nila ipupursige ang panukalang ₱500 milyong confidential funds ng OVP para sa 2024.

Sa deliberasyon naman ng proposed budget ng DepEd noon ding Huwebes, binasa naman ni Senador Pia Cayetano ang pahayag ni Duterte na hindi na rin nila iaapela ang panukalang ₱150 milyong confidential funds ng ahensya para sa susunod na taon.

https://balita.net.ph/2023/11/10/vp-sara-isinuko-na-rin-hiling-ng-deped-na-2024-confidential-funds/

Bago ang naturang deliberasyon sa Senado ay matatandaan namang napagdesisyunan ng Kamara kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang naturang desisyon ng Kamara ay matapos naging mainit na usap-usapan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 na nagastos umano sa loob ng 11 araw.

https://balita.net.ph/2023/09/25/%e2%82%b1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/