Natagpuang patay ang dalawang babaeng estudyante sa loob ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig City noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 10.

Sa isang Facebook post, nanawagan si Rhea Manalo, pinsan ng isa sa mga biktima na si Irish Sheen Manalo, sa mga estudyante at guro ng paaralan na tulungan ang kanilang pamilya para malaman umano ang tunay na nangyari kay Irish at sa kaklase niyang nagngangalang Mary.

“Sheen and her classmate Mary were found dead last night, “nakabigti” daw according sa mga guards ng Signal Village National High School, nilabas ng police yung dalawang bata without the SOCO,” salaysay ni Rhea nitong Sabado, Nobyembre 11.

“Uncooperative ‘yung Signal Village National High School and wala daw CCTV na gumagana sa school,” giit pa niya. “My cousin was an honor student and part of the GSP. She’s at Grade 8, Gold Section. She will not dare kill herself.”

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Hinihintay pa umano ng pamilya ang resulta ng autopsy ng mga biktima.

Base naman sa ulat ng Taguig police, nakita umanong wala nang buhay ang dalawang biktima dakong 11:00 ng gabi noong Nobyembre 10 sa loob ng Girls Scout Mini Office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng Signal Village National High School.

Si Mary, 15, ay isa raw Grade 10 student, habang Grade 8 naman si Irish na nasa 13-anyos ang edad.

Isang testigo na kinilalang si Danielle, 16, estudyante, ang nagsabi umano sa Taguig police na huling nakita ang dalawang biktima dakong 7:45 ng gabi noong Nobyembre 10 matapos nilang sabihin sa kaniya na umuwi na sila.

Samantala, nabatid umano sa kanilang Messenger group na hindi umuwi ang dalawang estudyante. Kaya’t agad umanong hinanap ni Danielle ang mga biktima at doon na raw nakitang nakasabit ang kanilang mga katawan gamit ang tali sa leeg at nakakabit sa steel grill sa opisina.

Ipinaalam umano ni Danielle ang nangyari sa mga security guard na nagsumbong naman umano sa Taguig police.

Samantala, base naman daw sa initial evidence ng pulisya, wala umanong nakitang “foul play” sa nangyari sa dalawang estudyante.

“The initial evidence gathered by the Philippine National Police-Taguig and the Scene of Crime Operation (SOCO) do not indicate foul play in the deaths of two female high school students whose lifeless bodies were discovered almost midnight of Friday, Nov 10, at Signal Village National High School,” pahayag ng Taguig police nitong Sabado, Nobyembre 11.

“PNP-Taguig urges the public to refrain from making speculations that could worsen the situation experienced by the grieving families,” dagdag nito.

Magpapatuloy pa rin umano ang pulisya sa pag-iimbestiga sa nangyari sa dalawang estudyante.

“PNP-Taguig assures everyone, especially the bereaved families, that the investigation will continue and it will be conducted thoroughly and expeditiously. PNP-Taguig thanks the city government of Taguig for its full support to the bereaved families and cooperation with the ongoing investigation,” saad ng Taguig police.

Kaugnay nito, sa isang hiwalay na pahayag nitong Sabado ay ipinabatid ng lokal na pamahalaan ng Taguig na inatasan na rin ni Mayor Lani Cayetano ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyari sa mga estudyante.

“This sad event is devastating not only to the bereaved loved ones but to Mayor Lani and the entire Taguig community. We seek God’s guidance, and call on the church leaders, teachers and school administrators, parents, and community leaders to come together for our young people and help them navigate this difficult experience,” saad pa ng Taguig LGU.