Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga nagkalat na pulubi sa lansangan kahit nalalapit na ang Pasko.

“We discourage them po sa alms giving, sa paglilimos kasi encourage lang natin ating mga kababayan na manatili sa kalsada,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez sa panayam sa telebisyon.

Ang sinuman aniyang mahuhuling nagbibigay ng limos ay magmumulta at makukulong ng hanggang apat na taon alinsunod na rin sa Presidential Decree 1563.

Binanggit ni Lopez, may mga programa ang DSWD para sa mga nakatira sa lansangan katulad ng 'Oplan Abot' na nagbibigay ng pansamantalang kanlungan sa mga ito.

Nag-aalok din aniya ang gobyerno ng educational plan o pagpasok sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Hindi po kayo basta hinihila, nilalagay sa sasakyan, ilalagay sa facility. Hindi po. Dayalogo po ang nangyayari hanggang kayo ay kusang sumama sa amin at mabigyan kayo ng interventions,” dagdag pa ng opisyal.