Napag-usapan nina Cristy Fermin, Wendell Alvarez, at Romel Chika ang “Pambansang Kamao” at dating senador na si Manny Pacquaio sa isang episode ng “Showbiz Now Na” nitong Biyernes, Nobyembre 10.
Matatandaan kasi na noong 2021 ay ibinebenta ni Manny ang kaniyang bahay sa Amerika.
MAKI-BALITA: Bahay ni Manny Pacquiao sa US, ibinebenta na?
At ayon sa tsika ni Cristy, ibinenta umano ito ng dating senador nang palugi.
“Palagay mo anong dahilan ba’t nagbebenta ng properties sina Jinkee at Pacman?” tanong ni Cristy kay Wendell.
“E, kasi ‘di ba noon pa maraming nagsasabi sa kaniya na ‘Pacman, ‘wag kang tumakbo sa panguluhan kasi mauubos ang pera mo doon’,” sagot ni Wendell.
Pero itinuloy pa rin ni Pacquaio ang planong pagtakbo maski binalaan na siya ng politikong si Luis “Chavit” Singson.
“Saka baka kailangan ni Jinkee dito ng OOTD niya,” sabi pa ni Wendell.
Tila napagtahi-tahi naman ni Cristy ang mga pangyayari na kaya pala nagbabalak umano si Pacquaio na muling sumabak sa larangan ng boksing.
“Pero alam mo ‘yung makakalaban niya kawawa siya doon. Batang-bata. Baka isiksik lang siya sa isang sulok,” saad pa ni Cristy.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang pahayag o reaksiyon hinggil dito si Pacquaio.