Inihayag ng Professional Regulation Commission (PRC) na 63.24% o 4,083 sa 6,456 examinees ang pumasa sa October 2023 Physicians Licensure Examination.
Sa inilabas na resulta ng PRC nitong Biyernes, Nobyembre 10, kinilala si Justin Riley Yap Lam mula sa Cebu Institute of Medicine bilang topnotcher matapos siyang makakuha ng 89% score.
Hinirang naman ang University of the Philippines – Manila bilang top performing school matapos itong makakuha ng 97.62% overall passing rate.
Isinagawa umano ang naturang pagsusulit mula Oktubre 20 hanggang 21 at mula Oktubre 27 hanggang 28, 2023 sa mga testing center sa National Capital Region (NCR), Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.