Nag-react si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa naging pagsuko ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa hiling na confidential funds ng kaniyang mga tanggapan na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para sa 2024.

Matatandaang dumalo si Duterte sa Senate plenary session para sa proposed ₱5.768-trillion national budget nitong Huwebes, Nobyembre 9, kung saan binasa ni Senador Sonny Angara ang kaniyang pahayag na hindi na nila ipupursige ang panukalang ₱500 milyong confidential funds ng OVP para sa 2024.

Matapos nito, sa deliberasyon ng proposed budget ng DepEd nito ring Huwebes, binasa naman ni Senador Pia Cayetano ang pahayag ni Duterte na hindi na rin nila iaapela ang panukalang ₱150 milyong confidential funds ng ahensya para sa susunod na taon.

VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

https://balita.net.ph/2023/11/10/vp-sara-isinuko-na-rin-hiling-ng-deped-na-2024-confidential-funds/

"Huwag sana makampante ang Bise Presidente na porket sinusuko na niya na makakuha ng confidential funds ay matatahimik na ang taumbayan,” pahayag naman ni Manuel nito ring Huwebes.

“Tinatakasan lang niya ang pananagutan na magpaliwanag kung paano ginamit ang confidential funds. Sumasadsad na rin ang ratings niya, at baka ayaw lang niya magisa uli sa Senado," giit pa niya.

Binanggit ni Manuel ang hinggil sa rating ni Duterte matapos ang inilabas kamakailan na resulta ng survey ng OCTA Research kung saan nakitaan umano ang bise presidente ng “significant” na pagbaba ng kaniyang approval at trust rating.

https://balita.net.ph/2023/10/29/approval-trust-rating-nina-pbbm-at-vp-sara-sa-q3-2023-bumaba/

Samantala, ayon pa sa mambabatas, isa lamang umanong maniobra ang naging pag-atras ni Duterte sa kahilingan ng confidential funds.

"A truly peaceful and strong country can be built on truth and accountability, not on trickery. Maniobra lang ito dahil kapag patuloy na napag-uusapan ang confidential funds ng OVP, maaaring sumingaw ang iba pang isyu sa mga ahensya lalo sa Opisina ng Presidente na may pinakamalaking alokasyon ng confidential funds,” ani Manuel.

“Tandaan natin: unang lumobo ang pondong nilalaan sa confidential funds noong panahon ni Rodrigo Duterte, at ngayon pinalaganap pa ito sa iba't ibang ahensya sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. This racket has the Marcos-Duterte brand.”

"Di tayo masasapatan hangga't di binubuwag ang confidential funds dahil daluyan ito ng korapsyon at panunupil sa mamamayan," saad pa niya.

Matatandaang bago ang naturang Senate plenary session, nagdesisyon ang Kamara kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang naturang desisyon ng Kamara ay matapos naging mainit na usap-usapan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 na nagastos umano sa loob ng 11 araw.

https://balita.net.ph/2023/09/25/%e2%82%b1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/