Muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) nitong Biyernes sa mga pampublikong paaralan hinggil sa kanilang ipinaiiral na 'no collection policy'.
Nauna rito, sa isinagawang budget hearing niyong Huwebes, naungkat sa Senado ang mga reklamong natatanggap nila hinggil sa pangongolekta ng kontribusyon ng mga public schools, sa pamamagitan ng Parent-Teacher Association (PTA).
Ayon kay DepEd Spokesman at Undersecretary Michael Poa, mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagso-solicit para sa school supplies at mga appliances para sa mga estudyante.
"Mayroon tayong tinatawag na no collection policy, so hindi po talaga puwedeng mangolekta ang ating mga paaralan," ani Poa, sa panayam sa radyo.
Kasabay nito, hinikayat din niya ang publiko na kaagad na magreklamo sa kanilang tanggapan kung may nagaganap na paglabag dito.
"Kung ginagamit po ang mga PTA para po ma-circumvent yung ating no collection policy, kami naman po ay bukas at tumatanggap ng complaints, " aniya pa.
"Ang point ng ‘no collection policy’ ay hindi dapat nakakaapekto sa grades o kung anumang performance ng bata 'pag hindi siya nakapagbigay."
Sinabi pa ni Poa na muli silang maglalabas ng department order hinggil sa naturang polisiya.