Nagbigay ng reaksyon si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa naging pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na hindi na nila ipupursige ang hiling na confidential funds ng kaniyang mga tanggapan na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para sa 2024.

Matatandaang inihayag ni Duterte nitong Huwebes, Nobyembre 9, na hindi na nila iaapela ang ₱650 milyong pinagsamang confidential funds ng OVP at DepEd dahil lilikha lamang umano ito ng pagkakawatak-watak ng sambayanan.

“We will no longer pursue the Confidential Funds. Why? Because this issue is divisive, and as the Vice President, I swore an oath to keep the country peaceful and strong,” pahayag ni Duterte.

MAKI-BALITA: VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

₱650-M confidential funds ng OVP, DepEd ililipat sa security agencies – House leader

MAKI-BALITA: VP Sara, isinuko na rin hiling ng DepEd na 2024 confidential funds

"Kaya lang naman naglabas ng ganitong pahayag ang OVP dahil nalantad na sa publiko ang pang-aabuso sa confidential fund kaya dapat pa din tayong maging mapagbantay at tutulan ito,” giit naman ni Castro.

"Di naman talaga mandato ng Opisina ng Bise-Presidente na magkaroon ng confidential at intelligence funds kaya walang karapatan magkaroon ang mga opisina niya ng ganito," dagdag pa niya.

Samantala, binigyang-diin din ng Makabayan solon na hindi pa rin umano sinasagot ng OVP kung paano nila ginastos ang ₱125 milyong confidential funds nito noong 2022 sa loob ng 11 araw.

MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

"Hindi pa din maayos na sinasagot ng OVP kung paano at saan ginamit ang iligal na P125 milyong confidential funds nito noong 2022. Hindi mabubura ng very belated at pilit na statement ng OVP ang mga tanong ng mamamayan," ani Castro.

"Dapat na talagang i-abolish ang confidential funds," saad pa niya.

Matatandaang bago ang naturang Senate plenary session, nagdesisyon ang Kamara kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.