Inaasahang makaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 10, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Batanes at Babuyan Islands.
Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng easterlies o ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, ang easterlies ay ang mainit na hangin na nanggagaling sa karagatang Pasipiko.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala naman umanong binabantayang bagyo o low pressure area (LPA) ang PAGASA sa loob man o laban ng Philippine area of responsibility (PAR).