Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) nitong Huwebes na magpapatupad sila ng na taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Nobyembre.

Tataas ng ₱0.23 kada kilowatt-hour ang magiging singil sa kuryente.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon sa Meralco, nangangahulugan ito na ang isang tipikal na tahanan ay kakailanganing magbayad ng ₱12.0545 kada kWh para sa nakonsumong kuryente, mula sa dating ₱11.8198 kada kWh noong Oktubre.

Anang Meralco, ang pagtaas ng kanilang singil ay bunsod na rin nang pagtaas ng transmission at generation charges.

Nabatid na ang transmission charges ay tumaas ng ₱0.1211 kada kWh dahil sa mas mataas na ancillary service charges ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa pag-regulate ng reserba.

Samantala, ang generation charge naman ay tumaas rin sa ₱7.1938 kada kWh mula sa dating ₱7.1267 kada kWh noong Oktubre dahil sa mas mataas na singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at independent power producers (IPPs).

Ipinaliwanag naman ng Meralco na mas mataas pa nga sana ang magiging pagtaas ng generation charges kung hindi lamang ito na-mitigate o napagaan nang pagbaba ng power supply agreement (PSA) charges.

Anang Meralco, ang pagtaas ng singil ng kuryente ay nangangahulugan ng ₱47 na dagdag sa bayarin ng mga tahanang nakakakonsumo ng 200kwh na kuryente kada buwan; ₱70 sa mga nakakagamit ng 300kwh kada buwan; P94 sa nakakagamit ng 400kwh kada buwan at ₱117 naman sa nakakakonsumo ng kuryente na 500kwh kada buwan.

Ito na ang ikatlong sunod na buwan na nagtaas ng singil sa kuryente ang Meralco, matapos ang dalawang sunod na buwan na nagpatupad ito ng tapyas o rate reductions.