Sinimulan na ng Department of Health (DOH)-Ilocos Region, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Agno, Pangasinan, ang konstruksiyon ng Agno Super health center.
Nabatid na nitong Miyerkules, Nobyembre 8, ay nagsagawa na ang DOH at ang lokal na pamahalaan ng groundbreaking ceremony para sa konstruksiyon ng health facility, na matatagpuan sa provincial highway sa Barangay Bangan-Oda, na may 5-kilometro lamang ang layo mula sa kabayanan.
Ayon kay Regional Local Health Support Division Chief Jimuel S. Cardenas, ang naturang pasilidad ay magsisilbing isang one-stop-shop para sa lahat ng outpatient medical services.
“Magkakaroon ito ng mga pangunahing serbisyong medical na kinakailangan ng mga pasyente. Sa pasilidad na ito ay mabibigyan na sila ng mga kinakailangan nilang serbisyo upang hindi na sila lumayo at mahirapang bumiyahe upang makapagpagamot sa ibang ospital,” pahayag pa ni Cardenas.
Dagdag pa niya, “The facility will have a project cost of ₱10 million pesos funded under the HFEP – GAA 2023 but due to the commitment to healthcare, AGNO LGU has pledged to provide a financial supplement of ₱2 million pesos to complement the amount given by the national government for the facility.”
Kabilang aniya sa mga serbisyong ipagkakaloob ng super health center ay ang outpatient clinic at consultation, pharmacy at dispensary, primary clinical laboratory, clinical microscopy, microbiology/parasitology, radiology, birthing at lying-in, TB consultation na may direct sputum smear processing at microscopy capability.
Kaugnay nito, laking pasalamat naman ni Agno Mayor Gualberto R. Sison sa DOH dahil sa pagpili sa kanilang lugar upang maging isa sa mga benepisyaryo ng super health center project.
Anang alkalde, “Nagpapasalamat kami sa mga biyayang pinagkakaloob ng DOH at makakaasa po kayo na patuloy po naming itataguyod ang mga programang pangkalusugan para sa kapakanan ng aming mga residente.”
Pagtiyak pa niya, “Once this super health center is completed, we will ensure that it will provide the necessary health and medical services to improve the health of our constituents.”