Binigyan na lamang ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng hanggang Nobyembre 30, 2023 na deadline upang tapusin ang kanilang parte sa rehabilitasyon ng Lagusnilad underpass, upang tuluyan na itong mabuksang muli sa mga motorista.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang alkalde sa pagkaantala nang muling pagbubukas ng underpass dahil Setyembre pa nang matapos ng lokal na pamahalaan ang kanilang bahagi sa rehabilitasyon nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na nakiusap lamang ang DPWH, dahil nais sana ng alkalde na mabuksan nang muli ang underpass sa mga motorista sa Nobyembre 15 upang mabawasan ang abalang dulot ng pagkakasara nito sa mga motorista.

Ayon kay City Engineer Armand Andres, Mayo pa nang simulan ang pagkukumpuni at target sana nilang muli itong mabuksan matapos ang apat hanggang limang buwan.

Ipinaliwanag niya na bagamat ang city government ang nagkumpuni sa mga kalsada para sa pagpasok at paglabas sa Lagusnilad, ang DPWH naman ang in charge sa pagsasaayos ng 'chamber' na nagsisilbing catch basin, upang matanggal ang tubig sa underpass, sakaling may mga pagbaha.

"Ang problema, hindi sila sumabay sa amin nung inumpisahan na naming gawin 'yung share ng city," ani Andres.

Dagdag pa niya, palagian naman nila itong ipina-follow-up sa DPWH sa pamamagitan ng face-to-face meetings at iba pang uri ng verbal communication.

Nabatid na ang underpass ay sumasailalim sa rehabilitasyon matapos na pondohan ng P50 milyon ng lokal na pamahalaan para sa upgrading, concreting at drainage repair habang nasa P25 milyon naman ang share na pondo dito ng DPWH.

Ang Lagusnilad ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng national government ngunit nagkusa na ang city government na sila ang magkumpuni dito dahil ang mga reklamo sa pangit nitong kondisyon ay sa kanila bumabagsak.

Ani Andres, nasa 235 linear meters at average width na 6.3 linear meters ng Lagusnilad ang sumailalim sa rehabilitasyon.

Ayon kay Lacuna, ang naturang underpass ay isinagawa noon pang 1960s sa panahon ni yumaong Mayor Antonio Villegas at sa paglipas ng panahon, na-overused ito at nasira.  Madalas din itong bahain sa panahon ng tag-ulan.

Noong 2014, isang pump ang inilagay doon upang sipsipin ang lahat ng tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa at kinailangan ng city government na i-upgrade ito.

Nabatid na ang pondo na ginamit ng city government sa proyekto ay nagmula sa capital outlay ng road networks para sa fiscal year 2023.

“Sa totoo lamang, ang Lagusnilad ay nasa ilalim ng national government.  Hindi po namin ito pupuwede na basta-basta galawin nang hindi po lubusang nagpapaalam sa kanila (national government).  Pero sa kadahilanang ito po ay sakop ng inyong lungsod, kami na po ang gumawa ng paraan dahil sa totoo lang, kami ang laging nilalapitan at nirereklamo para once and for all maayos na natin ang makasaysayang Lagusnilad,” anang alkalde.