"Kapag tinitigan, parang totoo na!"

Hinangaan ng mga netizen ang isang painting na nagpapakita ng isang eksena sa sunog, kung saan makikita ang isang bumberong may bitbit na batang lalaki habang walang malay.

"The journey and process of my painting 'BLAZING COMPASSION.' Even a single act of assistance can make a significant difference in someone's life," mababasa sa caption ng uploader at artist na si Michael Jay Salcedo sa kaniyang Facebook post.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Michael na isang full-time artist mula sa Davao City, isinalaysay niya ang kuwento sa likod ng kaniyang obra maestra.

Human-Interest

Higanting coral, naispatan; mas malaki pa raw sa blue whale?

Aniya, ang nabanggit na painting ay lahok niya sa isang patimpalak.

"Sumali ako sa isang painting competition na may temang "Di Umuurong sa Pagtulong," naisipan kong ipinta ang isang bumbero bilang inspirasyon at simbolismo ng kabayanihan."

"Di lang sa mga bumbero kundi sa lahat ng ating frontliners. Na sa kabila ng kanilang pagiging frontliner, may mga pamilya rin silang naghihintay at nangangailangan. Ngunit buwis-buhay pa rin silang tumutulong sa mga nangangailangan na walang pag-iimbot."

Ilang araw bago niya natapos ito at ano-ano ang mga ginamit niya upang mabuo ito?

"10 days ko lang po natapos sa kadahilanang matagal po akong nakapag-umpisa. Medjo nahirapan ako kasi wala akong kakilalang bumbero o mahiraman ng kanilang uniporme, kaya nag-improvise ako, hiniram ko 'yong coverall suit ng kapitbahay naming seaman, tapos tape na reflector at kinuhanan ng litrato aking kaibigan."

"Oil on Canvas po ang ginamit kong material," aniya pa.

Binigyang kredito rin niya ang nag-edit ng mga larawan na si Zee Ravanes. iPhone at Sony mirrorless 85mm f1.8 umano ang ginamit sa pagkuha ng mga larawang ibinahagi sa social media.

Sa comment section ng kaniyang post ay bumaha naman ng papuri at positibong komento sa kaniyang obra maestra. Kung titingnan daw kasi ay aakalang tunay na mga pangyayari ito.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!