Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong buwan ng Setyembre kumpara noong Agosto batay sa resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa ulat ng PSA nitong Miyerkules, Nobyembre 8, pumalo sa 4.5% o 2.26 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho mula edad 15 pataas. Mas mataas ito kumpara noong Agosto na 2.21 milyon lamang.
Pero kung ikukumpara ang unemployment noong nakaraang taon sa buwan ng Setyembre, di hamak na mas mataas noon dahil umabot ito sa 5.0% o 2.50 milyon.
"The number of unemployed persons in September 2023 decreased to 2.26 million from 2.50 million in September 2022, with a year-on-year decrease of 234 thousand unemployed individuals. However, the number of unemployed persons in September 2023 was higher compared with the number of unemployed persons in August 2023 at 2.21 million," pahayag ng PSA.
Samantala, bumaba naman ang bilang ng mga employed person mula 48.07 milyon noong Agosto na naging 47.67 milyon na lang noong Setyembre.