Naglabas ng mensahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. tungkol sa 40 Pilipinong tumawid ng Rafah crossing sa Egypt nitong Miyerkules, Nobyembre 8.
“Ikinagagalak kong ibalita na 40 sa ating mga kababayan ay ligtas at matagumpay na nakatawid ng Rafah crossing sa Egypt mula sa Israel,” saad ng Pangulo.
Kasalukuyan umano silang patungo sa Cairo, kabisera ng Egypt, kung saan sila magmumula para makauwi ng tuluyan sa Pilipinas sa mga darating na araw.
Dagdag pa niya: “Naisaayos natin ito dahil sa pagtutulungan ng Department of Foreign Affairs at ng ating mga Embahada sa Israel, sa Jordan, at Egypt upang maisakatuparan ang pagtulong sa ating mga kababayan.”
Dahil dito, nagpasalamat si PBBM sa pamahalaan ng Israel at Egypt para sa ibinigay nilang prayoridad sa mga Pilipino upang makalabas ang mga ito.
Gayundin, kinilala niya ang mediation effort ng Qatar na nagsilbing tulay para muling magbukas ang mga borders ng mga nasabing bansa.
“Umaasa ako na ‘yung natitirang kababayan na nagnanais ding makauwi, makakatawid na nang maayos kasama ang kanilang mga asawa at mahal sa buhay,” pahayag pa ng Pangulo.
Sa huli, sinabi niya na muli umanong magbibigay ang kaniyang tanggapan ng iba pang kaukulang balita hinggil dito.