Iginiit ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos na walang pinagkaiba ang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Francisco Tiu Laurel Jr. kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nabigo umanong mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.

Ang naturang pahayag ni Ramos nitong Martes, Nobyembre 7, ay matapos sabihin ni Laurel nitong Lunes, Nobyembre 6, na hindi pa posible sa ngayon na maging ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas sa bansa na pangako ni Marcos noong nakaraang eleksyon.

"Sa pahayag ng bagong DA Secretary, para na rin niyang sinabi na magtiis na lang sa mataas na presyo ng bigas at pagkain ang mga Pilipino,” pahayag ni Ramos.

Bagong DA chief, sinagot kung posible ba ang ₱20/kilo ng bigas

“Madali sa kaniyang magsalita dahil sigurado naman na hindi siya nakakaranas ng gutom at palaging sagana sa pagkain. Hindi naman kasi apektado ng food inflation si Tiu Laurel,” giit din niya.

Ayon pa kay Ramos, kailangan muna umanong baguhin ang mga umiiral na patakarang naglugmok sa lokal na agrikultura at sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda bago mapalago ang ani ng bigas at iba pang pagkain sa bansa.

"Ngayon, mas kailangan magkaisa ang mga magsasaka at mamamayan para ipaglaban ang karapatan natin sa pagkain. Dapat nating igiit kay Marcos Jr na ibasura na ang Rice Liberalization Law, itigil na ang sobra-sobrang importasyon at sawatahin ang agricultural smuggling na pumapatay sa lokal na industriya ng bigas," saad ng tagapangulo ng KMP.

Matatandaang noong Nobyembre 3, 2023 nang ianunsyo ni Marcos ang kaniyang pagtalaga kay Laurel bilang bagong Agriculture chief na siyang kapalit niya sa pwesto.

https://balita.net.ph/2023/11/03/pbbm-itinalaga-si-laurel-bilang-bagong-kalihim-ng-da/

https://balita.net.ph/2023/11/03/kilalanin-francisco-tiu-laurel-jr-ang-bagong-agriculture-chief/