Bantay, Ilocos Sur – Inilahad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office I sa isang groundbreaking ceremony ang dalawang mga istruktura ng multi-purpose buildings at Skate Park project na nakatakda umanong magpabago sa landscape ng Bantay, Ilocos Sur.
Sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Ronnel M. Tan, ang naturang bagong itatayong pasilidad ay kilala bilang "Multi-Purpose Training and Instructional Facility/Meeting Incentives Conferences for Education, Sports Building.”
Magiging isa rin umano itong Primary Health Care Center na tutulong sa lokal na komunidad na mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay.
Dinaluhan ang seremonya ni DPWH Ilocos Norte First Assistant District Engineer Angelito A. Dian, ang project engineer na kinatawan din ni RD Ronnel M. Tan at mga lokal na opisyal.
Ayon sa DPWH, bahagi ang nasabing innovative project ng Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gaps (SIPAG) program na nakatuon sa pagtataguyod ng edukasyon, sports, at primary health care sa rehiyon.
Ang construction site, na sumasaklaw sa 2,496 square meters, ay magkakaroon umano ng dalawang natatanging istruktura: isang multi-purpose building at isang skate park, kasama ang sapat na espasyo para sa paradahan ng mga sasakyan.
Nagtatampok din ang multi-purpose building ng isang basketball court, mga opisina, mga banyo, at isang parking lot. Maaari itong tumanggap ng hanggang 1,056 katao at nag-aalok ng 55 parking slots.
Magsisilbi umano ang naturang proyekto bilang isang convenient place para sa mga aktibidad ng pamahalaan at bilang isang recreational space para sa komunidad.
Maaari rin daw itong gamitin bilang isang ligtas na lugar para sa oras ng kalamidad.
Pinondohan umano ang naturang proyekto sa ilalim ng DPWH Infra Program of 2023, na may kabuuang halaga na ₱250 milyon.