Nilimitahan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang kanilang biyahe nitong Martes ng umaga dahil sa isang ‘hanging object’ sa footbridge, na matatagpuan sa pagitan ng kanilang Magallanes at Taft Station Stations.
Batay sa isang advisory, sinabi ng MRT-3 na dakong alas-6:59 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang kanilang Control Center na may namataang ‘hanging object’ sa naturang lugar.
Dahil dito, pagsapit ng alas-7:13 ng umaga ay nagpatupad na ng limitadong biyahe o provisional service ang MRT-3, mula North Avenue station hanggang sa Shaw station, upang matiyak ang kaligtasan ng operasyon ng kanilang mga tren.
Kaagad ding nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng MRT-3 at tinanggal ang naturang nakabiting bagay na naging sagabal sa kanilang biyahe.
Pagsapit naman ng alas-8:10 ng umaga ay inalis na ang provisional service at naibalik sa normal ang operasyon ng kanilang mga tren.
Ang MRT-3, na bumabaybay sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.