Iginiit ni Senate President Juan Miguel "Migz" Zubiri ang agarang hustisya para sa radio broadcaster na si Juan Jumalon na pinaslang sa Misamis Occidental habang umeere nang live sa kaniyang programa nitong Linggo, Nobyembre 5.

Matatandaang inulat ng pulisya nitong Linggo na binaril ng hindi pa nakikilalang lalaki si Jumalon habang nakasalang sa kaniyang programa sa 94.7 Calamba Gold FM sa mismong bahay nito sa Barangay Don Bernardo A. Neri.

Matapos ang naging pamamaril ay sinugod pa raw sa Calamba District Hospital si Jumalon kung saan binawian siya ng buhay dahil sa tama umano ng bala sa ilalim ng labi na tumagos sa kaniyang batok.

MAKI-BALITA: Pagpatay sa radio broadcaster sa Misamis Occidental, iniimbestigahan na!

Probinsya

PBBM kinondena pamamaslang sa radio broadcaster sa Misamis Occidental

Kaugnay nito, sinabi ni Zubiri sa isang panayam ng CNN Philippines na “karumal-dumal” ang nangyari kay Jumalon kaya’t dapat umanong mapanagot agad ang mga nasa likod nito.

"Karumal-dumal po ang ginawa nila. You know I saw the video and I can't even get that scene out of my head of what happened,” ani Zubiri.

“My goodness, these people should be apprehended. These people should be put to justice at the soonest possible time," dagdag pa niya.

Sinabi rin ng mambabatas na dapat umanong magkaroon ng task force na binubuo ng lahat ng pinakamagagaling na government agents mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at maging mula sa mga militar upang mahinto na umano ang pagpaslang sa mga mamamahayag sa bansa.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang naging pamamaslang kay Jumalon ang ika-199 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag mula noong 1986, at ang ikaapat sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Matatandaan namang nagpahayag na ng pagkondena ang pangulo sa naturang pagpaslang kay Jumalon.