Isang nakaaantig na kuwento ang ibinahagi ni Rico Blanco tungkol sa kaniyang mga kapwa miyembro ng OPM rock band na Rivermaya.

Sa kaniyang Instagram post nitong Lunes, Nobyembre 6, nagbahagi si Rico ng isang throwback photo kasama ang kaniyang dating bandmates.

Kinuwento rin ni Rico sa naturang post kung paano naniwala sa kaniya ang kaniyang mga ka-banda sa gitna umano ng mga natanggap niya noon na mga negatibong komento mula sa ibang tao hinggil sa kaniyang musika.

“[W]ent to war with THIS unit,” saad ni Rico sa kaniyang post.

Rivermaya, magkakaroon ng reunion concert

“[E]arly in the journey, when some doubted, poked fun, and quit on my music, these guys believed. panch, joel, mark, bambs, nates 🙏,” dagdag pa niya.

Nabuo noong 1994, isa ang Rivermaya sa mga pinakasikat na banda sa bansa lalo na noong 90s. Kilala ang banda sa kanilang hit songs tulad ng “214,” “You’ll Be Safe Here,” “Kisapmata,” “Elesi,” at “Liwanag sa Dilim.”

Samantala, taong 1998 nang umalis si Bamboo sa grupo, habang 2007 naman umalis si Rico.

Kaugnay nito, nakatakdang maganap ang reunion concert ng original members ng Rivermaya na sina Rico, Bamboo Mañalac, Mark Escueta, at Nathan Azarcon, sa susunod na taon.