Nakatanggap ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 20 motorsiklo mula sa isang ride hailing company na gagamitin para sa Motorcycle Riding Academy (MRA).

Bukod sa mga motorsiklo, nakatanggap din ang ahensya ng 100 training vest, 25 cases ng mineral water, at tent mula sa ride hailing company na Joyride Philippines, nitong Lunes, Nobyembre 6, sa MMDA Head office sa Pasig City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gagamitin ang mga motorsiklo sa MRA para sa two-day free course na kinabibilangan ng basic road emergency response, road traffic rules and regulations, at iba pang kaalaman tungkol sa pagmomotorsiklo.

Pinasalamatan ni MMDA Acting Chairman Don Artes si Joyride Philippines Senior Vice President for Corporate Affairs Noli Eala sa kanilang suporta sa MRA. Kasabay na rin nito ang paglagda sa Deed of Donation and Acceptance.

“Makakaasa kayo na ang mga motorsiklo ay gagamitin sa tama at iingatan ng ahensiya para mas maraming kababayan ang makinabang sa mga motorsiklo," ani Artes kay Eala, base sa inilabas na pahayag ng MMDA sa kanilang Facebook post.

Ipinaabot ni Eala ang kaniyang pakikiisa sa layunin ng ahensiya para mas lalo pang maging ligtas at disiplinado ang mga nagmomotorsiklo.

Dagdag pa niya, isa sa pinag-uusapan ng Joyride Philippines at MMDA ang posibleng pagsasanay ng mga Joyride riders para maging Motorcycle Emergency Responders (MERs).

Samantala, sa mga nais mag-enroll sa MRA maaari lamang bisitahin ang link na ito: https://forms.gle/UPPbryVoaKoiyxJE9. Puwede rin mag-walk in sa MMDA head office.