Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang calendar of activities para sa gaganaping special elections sa 3rd Legislative District ng Negros Oriental sa susunod na buwan.

Alinsunod sa naturang kalendaryo, nabatid na Disyembre 9, 2023 idaraos ang special elections upang palitan sa puwesto ang pinatalsik na si dating Cong. Arnolfo Teves.

Itinakda naman ng Comelec ang panahon ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa halalan sa Nobyembre 6 hanggang 8.

Ayon sa Comelec, maaaring ihain ang COC mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Office of the Provincial Election Supervisor (OPES) ng lalawigan ng Negros Oriental, sa Provincial Capitol Area, Daro, Dumaguete City.

Sisimulan naman umano ang election period at pagpapairal ng gun ban sa Nobyembre 9 at magtatagal ito hanggang sa Disyembre 24.

Ang campaign period naman para sa naturang halalan ay itinakda simula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 7 lamang.

Simula naman sa Disyembre 8 hanggang 9 ay magpapatupad na ng campaign ban, gayundin ng liquor ban ang Comelec.

Samantala, ang huling araw naman ng paghahain ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ay itinakda ng Comelec hanggang sa Enero 8, 2024 lamang.

Matatandaang si Teves ay pinatalsik ng kanyang mga kasamahang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso kasunod nang patuloy na pagtangging umuwi ng Pilipinas upang gampanan ang kanyang tungkulin at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya, kaugnay nang pagkakapaslang kay Negros Oriental Roel Degamo.