Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo ang mga kumandidato sa katatapos na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na nanalo man o natalo, ay may obligasyon silang boluntaryong baklasin ang mga campaign materials na ikinabit nila noong panahon ng kampanyahan.

Tinukoy pa ni Lacuna ang Commission on Elections (Comelec) Resolution 10924 Section 256 kung saan nakasaad na dapat na alisin ng lahat ng kandidato ang lahat ng election propaganda na ipinaskil nila, sa loob ng limang araw, matapos ang halalan.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Ayon kay Lacuna, ang naturang five-day period ay natapos na noong Sabado, Nobyembre 4.

“Maging responsable tayong lahat sa pag-alis, paglinis at pag-dispose ng ating mga election propaganda upang mapanatiling malinis ang ating lugar at kapaligiran,” panawagan pa ng alkalde.

Iminungkahi rin naman ni Lacuna na i-recycle at gamiting muli ang mga naturang election materials, partikular na ang mga tarpaulins, sa halip na itapon na lamang ang mga ito.