“Hadlang ito sa malayang pamamahayag…”

Mariing kinondena ng Anakbayan ang pamamaslang sa radio broadcaster na si Juan Jumalon, o mas kilala bilang "Johnny Walker,” habang umeere nang live sa kaniyang programa sa Misamis Occidental nitong Linggo, Nobyembre 5.

Ayon sa ulat ng pulisya, binaril ng hindi pa nakikilalang lalaki si Jumalon habang nakasalang sa kaniyang programa sa 94.7 Calamba Gold FM sa mismong bahay nito sa Barangay Don Bernardo A. Neri.

Naiulat din na nagpaalam lamang umano ang suspek na magbibigay ng isang "importanteng anunsyo” kaya’t nakapasok sa bahay ng mamamahayag.

Probinsya

PBBM kinondena pamamaslang sa radio broadcaster sa Misamis Occidental

Matapos ang naging pamamaril ay sinugod pa raw sa Calamba District Hospital si Jumalon kung saan binawian siya ng buhay dahil sa tama umano ng bala sa ilalim ng labi na tumagos sa kaniyang batok.

MAKI-BALITA: Pagpatay sa radio broadcaster sa Misamis Occidental, iniimbestigahan na!

Ayon sa Anakbayan, patunay ang nangyari kay Jumalon na namamayagpag pa rin ang “impunity” sa bansa, at hadlang umano ito sa malayang pamamahayag.

“Ang ganitong mga kaso ay patunay lang ng namamayagpag na impunity sa mga kaso ng pamamaslang sa mga alagad ng midya. Hadlang ito sa malayang pamamahayag na hindi lang karapatan ng mga alagad ng midya, kundi ng lahat ng mamamayan,” saad ng Anakbayan.

Nanawagan naman ang Anakbayan ng agarang hustisya para sa mga mahal sa buhay ni Jumalon.

“Higit pa, nananawagan din kami sa kabataan na tumindig at kumilos para sa pagwawakas sa walang-hustisyang pagpatay sa mamamahayag at mamamayan, na tanging magagawa sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos,” saad pa ng organisasyon.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang naging pamamaslang kay Jumalon ang ika-199 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag mula noong 1986, at ang ikaapat sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Matatandaan namang nagpahayag na ng pagkondena ang pangulo sa naturang pagpaslang kay Jumalon.