Naiuwi na sa bansa ang bangkay ni overseas Filipino worker (OFW) Angelyn Peralta Aguirre, isa sa apat na Pinoy na nasawi sa giyera sa Israel kamakailan.
Sa pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, ang bangkay ni Aguirre ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaagad itong nai-turnover sa mga kaanak ni Aguirre na kabilang sa naghintay sa pagdating sa bansa ng naturang manggagawa, ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administrator Arnell Ignacio.
Matatandaang nasawi si Aguirre matapos pagbabarilin ng militanteng grupong Hamas habang nagtatago sa isang bomb shelter, kasama ang inaalagaang amo nitong Oktubre 7.
PNA