Nangunguna ang pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee sa online poll para sa Miss Universe 2023 "Voice for Change.”

Mula dakong 6:15 ng gabi nitong Sabado, Nobyembre 4, umabot na sa 161,312 ang boto na natatanggap ni Michelle sa nasabing karegorya.

Sinundan siya ng pambato ng Ukraine na may 139,218 votes at ng pambato ng Nicaragua na mayroon namang 111,063 votes.

Nagpasalamat naman ang Miss Universe Philippines organization sa suportang natatanggap umano ni Michelle sa naturang botohan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Salamat, Pilipinas! Thank you to all the supporters, pageant fans, bloggers, FB groups, queens, talents, influencers, and general public who have been continuously helping. ❤️,” saad ng organisasyon sa isang Instagram post.

“Through Bayanihan, we have achieved the top spot for Miss Universe Philippines Michelle Marquez Dee in the Voice for Change category. 👏👏👏,” dagdag pa nito.

Hinikayat din ng Miss Universe Philippines organization ang publiko na bumoto para kay Michelle sa pamamagitan ng website ng CI Talks.

Ang "Voice for Change" category ay nagbibigay-daan sa beauty queens na ibahagi, sa pamamagitan ng isang 3-minute video, ang kanilang adbokasiya at hikayatin ang publiko na makilahok para maisakatuparan ito.

Nakasentro naman sa autism awareness ang adbokasiya ni Michelle, kung saan ibinahagi rin niya sa kaniyang entry ang tungkol sa dalawa niyang kapatid na nasa autism spectrum.

Iaanunsyo umano ang mga magwawagi sa “Voice for Change” sa coronation night ng 72nd Miss Universe sa Nobyembre 18, 2023 (Nobyembre 19, 2023, Philippine time).

Kasalukuyan naman nang nasa El Salvador na si Michelle para sa pageant.