Magdaraos ang Commission on Elections (Comelec) ng special elections sa ikatlong distrito ng Negros Oriental sa Disyembre 9, upang mapalitan na sa puwesto si dating Cong. Arnolfo Teves Jr..
Maki-Balita: Rep. Teves, pinatalsik na sa Kamara
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pinaghahandaan na nila ang panahon ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COCs) para sa naturang halalan na itinakda naman sa Nobyembre 6 hanggang 8.
Plano rin aniya nilang isailalim sa Comelec control ang naturang distrito sa Negros Oriental, upang direkta nilang mapangasiwaan ang mga opisina ng pamahalaan at mga law enforcement agencies doon hanggang sa maidaos ang eleksyon.
Paglilinaw naman ni Garcia, maaari pa ring kumandidato sa eleksiyon si Teves dahil hindi naman ito convicted sa kinakaharap na mga kaso.
Matatandaang si Teves, na itinuturong posibleng utak sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa, ay una nang pinatalsik sa Kongreso bunsod nang patuloy na pagtangging umuwi ng Pilipinas at gampanan ang kaniyang tungkulin, gayundin ay harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.
Maki-Balita: Teves, 12 iba pa idineklara ng Anti-Terrorism Council bilang mga ‘terorista’