Noong Nobyembre 3, 1957, 66 taon na ang nakararaan, ipinadala sa space ang stray dog na si “Laika” para maging pinakaunang “living creature” na mag-o-orbit sa paligid ng Earth – isang misyon na maging matagumpay man o hindi, ay siguradong kikitil sa kaniyang buhay.
Ayon sa mga ulat, ang stray dog sa Moscow na si Laika ay isang mongrel dog na nasa tatlong taong gulang at may timbang na anim na kilo nang panahong iyon.
Isa siya sa ilang mga stray dogs na ni-rescue at isinailalim sa Soviet spaceflight program para sa misyon na magpadala ng aso sa space at mag-orbit sa Earth.
Ang pangunahing layunin umano ng naturang misyon ay pag-aralan ang biological effects ng paglalakbay sa space at bigyang-daan ang human expeditions doon.
Kaugnay nito, sinanay si Laika, tulad ng iba pang mga aso, ng ilang mga bagay tulad ng pananatili sa masisikip na lugar, kung saan magiging kasya siya sa sasakyang gagamitin patungo sa space. Natuto rin siyang tumanggap ng pagkain sa “jellied form” na madaling ihain sa isang kapaligiran na walang timbang.
Sa lima o anim na aso, si Laika ang napiling ipadala sa space sakay ng Soviet ship Sputnik 2 noong Nobyembre 3, 1957, dahil sa pagiging maparaan at sa compact size nito.
Ngunit sa kasamaang palad, hindi idinisenyo ang naturang Soviet ship Sputnik 2 para sa isang paglalakbay na babalik din sa Earth, dahilan kaya’t sa space na rin nila inaasahang mamatay si Laika.
Unang naiulat na nanatiling buhay si Laika sa loob ng anim o pitong araw sa misyon, at pagkatapos ay na-euthanize umano siya sa pamamagitan ng pagkain nang may lason bago tuluyang maubos ang kaniyang supply ng oxygen sa space, upang maiwasan ang masakit na paraan ng kaniyang pagkamatay.
Samantala, makalipas ang ilang dekada, taong 2002 na isiniwalat ng isang Russian scientist na ang mga nakaraang ulat ng pagkamatay ni Laika ay kasinungalingan. Ang totoo umano ay lima hanggang pitong oras lang ang itinagal ng kaniyang buhay dahil sa dehydration at overheating dala ng sobrang init ng araw habang naglalakbay sa space.
Inaasahan umanong mabubuhay si Laika sa loob ng walong hanggang 10 na araw, ngunit dahil kulang ang insulation mula sa mga sinag ng araw, oras lamang ang itinagal ng kaawa-awang aso sa space.
Tuluyan namang nasunog ang satellite na sinasakyan ni Laika makalipas ang limang buwan, Abril 14, 1958.
Dahil sa nangyari, buong mundo umano ang nalungkot at nakiramay sa sinapit ni Laika, na kinilala nga bilang “first living creature to orbit around the Earth.”
Itinayo naman sa Moscow ang isang maliit na monumento ni Laika noong 2008 bilang pag-alala sa kaniya.