Hindi umano maaaring makapagbigay ang Commission on Elections (Comelec) ng overtime pay para sa mga gurong nagsilbi bilang board of election inspectors (BEIs) sa katatapos na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ito ang naging tugon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa apela ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na pagkalooban ng overtime pay ang mga guro na walang tigil na nagtrabaho sa halalan ng mahigit sa 24-oras.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Ayon kay Garcia, naisin man nilang pagkalooban ng overtime pay ang mga guro ay hindi naman nila ito kayang gawin dahil wala aniyang budget ang poll body para dito.

Aniya, sa ilalim ng joint circular ng Commission on Audit – Department of Budget and Management (COA-DBM), tanging ang mga empleyado lamang ng ahensiya ang entitled sa overtime pay.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga gurong nagsilbi bilang electoral board members noong eleksiyon ay hindi empleyado ng Comelec.

“In as much as we would like to give, however, there is this joint COA-DBM (Commission on Audit – Department of Budget and Management) circular which provides that only employees of an agency [are] entitled to claim overtime. The teachers who served as electoral board members are not employees of Comelec,” pahayag pa ni Garcia, nang matanong ng mga mamamahayag hinggil sa apela ng TDC.

Una nang sinabi ni TDC Chair Benjo Basas na ang mga empleyado ng Department of Education (DepEd) ay nagtrabaho ng higit 24-oras sa halalan, kaya’t marapat lamang silang mapagkalooban ng overtime pay.