Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) nitong Huwebes na bukas na ang bidding para sa 1,800 megawatts (MW) na power supply na kakailanganin nila para sa taong 2024.

Kasunod na rin ito ng pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa terminasyon ng power supply agreements (PSA) ng Meralco sa power generation units ng San Miguel, at paglalabas ng Department of Energy (DOE) ng certificate of conformity sa terms of reference (TOR) para sa 15-taong kontrata na kinabibilangan ng 1800-MW baseload requirement ng Meralco, simula sa Disyembre 2024.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon sa Meralco, sinimulan na nila ang competitive selection process (CSP), na isang uri ng competitive public bidding, para sa electricity supply at distribution utility na kinakailangan nila upang masuplayan ang tumataas na demand ng kanilang mga kostumer.

Ang mga power generation companies na interesadong lumahok sa CSP ay maaari anilang magsumite ng kanilang Expression of Interest hanggang sa Nobyembre 13, 2023.

Ang pre-bid conference naman para sa kontrata ay nakatakda sa Nobyembre 20, 2023, habang ang deadline naman para sa pagsusumite ng bid ay itinakda sa Disyembre 26, 2023.

Matatandaang ang naturang 20-taong PSAs para sa pagsusuplay ng 1,200MW at 600MW na kuryente, ay parehong nakuha ng Excellent Energy Resources Inc. (EERI) at Masinloc Power Partners Co. Ltd. (MPPCL) noong taong 2021 at magiging epektibo sana sa taong 2024 at 2025.

Gayunman, noong nakaraang buwan ay pinahintulutan ng ERC ang terminasyon ng mga naturang kontrata.