Isang magnitude 6.1 na lindol ang tumama sa Timor island sa bansang Indonesia nitong Huwebes, Nobyembre 2, ayon sa United States Geological Survey (USGS).

Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng USGS na namataan ang epicenter ng lindol nitong Huwebes ng umaga sa kanluran ng Timor island malapit sa siyudad ng Kupang.

Mayroon umano itong lalim na 36.1 kilometro (22.5 miles).

Dahil sa lakas umano ng naging pagyanig, napilitan ang mga residente sa mga kalapit na lugar na lumikas sa kanilang mga tahanan.

Internasyonal

Pamilya ng Pinay na pinaslang umano ng foreigner na asawa nito, nanawagan sa gobyerno

Gayunpaman, wala pa umanong naitalang nasawi o nasugatan sa naturang pagyanig.

Madalas na nakakaranas ng lindol ang Indonesia dahil sa posisyon nito sa Pacific "Ring of Fire,” isang arko ng matinding seismic activity na umaabot mula sa Japan hanggang Southeast Asia at sa buong Pacific basin.

Kaugnay nito, Nobyembre noong nakaraang taon nang yanigin ng 5.6-magnitude na lindol ang lalawigan ng West Java sa naturang bansa, na ikinamatay umano ng 602 katao.