Tinatayang 48% o 13.2 milyong mga pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay “mahirap,” ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Miyerkules, Nobyembre 1.

Sa inilabas na bagong survey ng SWS, mas tumaas umano ang naturang bilang nitong Setyembre kumpara sa datos noong Hunyo 2023, kung kailan 12.5 milyong pamilya ang nagsabing sila ay napabibilang sa hanay ng mahihirap sa bansa.

Samantala, lumabas din umano sa survey nitong third quarter ng taon na nasa 27% ng mga pamilya naman ang itinuturing ang kanilang mga sarili na nasa “borderline” o nasa gitna ng mahirap at hindi mahirap, habang 25% ang nagsabing sila ay hindi mahirap.

“Compared to June 2023, the percentage of Poor families rose by 3 points from 45%, while Borderline families fell by 6 points from 33%, and Not Poor families rose by 3 points from 22%,” saad ng SWS.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

Isinagawa ang nasabing survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na ang edad ay 18 pataas.