Nagpahayag ng pagtutol ang mga residente ng City of San Jose Del Monte sa Bulacan na gawing highly urbanized city o HUC ito, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Nalaman ang pulso ng mga Bulakenyo matapos manaig ang "No" na binoto ng 820,385 botante ginanap na plebisito na kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) tungkol sa panukalang gawing highly urbanized city ito, malayo sa 620,707 na bumoto ng "Yes."
Binigyan ng dagdag na balota ang mga botante sa nabanggit na lungsod upang pulsuhan ang mga mamamayan kung pabor ba sila sa Proclamation No. 1057 na inilabas ni dating Pangulong Duterte na naglalayong gawing HUC ang SJDM.
May higit 650,000 katao ang populasyon ng SJDM, na lalampas sa 200,000 na kinakailangan ayon sa Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991 upang maging highly urbanized city ito.
Marami ang tumututol sa ideya na maging highly urbanized city ang SJDM dahil sa posibleng pagtaas ng buwis na kailangang bayaran ng mga residente at sa posibilidad na tanggalin ng provincial government ang scholarship para sa kabataang residente ng lungsod.
Samantala, ang mayor ng CSJDM na si Mayor Arthur Robes ay pabor sa HUC habang si Bulacan Gov. Daniel Fernando ay tutol dito.