Maraming nagtutunggaliang paliwanag tungkol sa panaginip. Sa pelikulang “Dr. Strange: Multiverse of Madness”, ang panaginip ay isa umanong bintana para makita ng tao ang bersiyon ng kaniyang sarili na umiiral mula sa ibang uniberso. Ayon naman kay Sigmund Freud, kinakatawan umano nito ang mga hindi malay na pagnanasa, kaisipan, at kahilingan. Pero sa Bibliya, kinakasangkapan ito ng Diyos para magbigay ng mensahe.

Pero paano kung may nilalang sa panaginip ang biglang magpakita sa totoong buhay gaya ng karanasang ibinahagi ni Fem Esmeralda sa isang Facebook online community?

“Isa po akong small business owner sa Iloilo. And I decided to branch out sa Capiz (‘yung shop ko sa pic). Since taga-Iloilo nga kami, at malayo ang Capiz, isang mekaniko lang po ang kinuha ko para menos pa-sweldo, kain, etc. Minsan lang po ako napunta sa Capiz since hindi ko rin naman basta-basta maiwan ang negosyo sa Iloilo,” pahayag ni Fem sa kaniyang post.

“‘Yung mekaniko ko po ang nag-take ng picture na ’yan. Meaning, silang dalawa lang ni Buyer ang tao sa shop noong time na ‘yun. Makikita n’yo po sa bandang likod ng picture ‘yung itim na babae na nakaupo at parang nakatingin din sa camera,” sabi pa niya.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon pa sa kuwento ni Fem, ang babae umanong nahagip sa camera ay laman na ng kaniyang panaginip:

“Sa mga unang araw namin sa shop, by the way, around 5 months na kami sa shop na ‘yan sa picture. Going back, ‘yun na nga, on our first few days, siyempre need ko rin mag-stay din muna. So kaming dalawa ng mekaniko ko, natutulog sa 2nd floor ng shop. Una pa man, ang babaeng itim ay palagi kong napapanaginipan,” paglalahad niya.

“Sa aking mga panaginip, nakasakay siya sa aking likod habang ang ulo niya ay nakaharap sa mukha ko. Napakalapad ng kaniyang ngiti. Butas ang kaniyang mata na napakaitim. Bigla niyang hinablot ang aking kamay at tinusok niya ang aking daliri sa kaniyang mga mata. Hanggang ngayon, dama ko pa rin ang sensation sa aking daliri habang nakatusok ito sa kaniyang mga mata. Paggising ko, may mga galos ako sa mukha at maliliit na sugat sa tenga.

Sa kaniyang ikalawang panaginip, ganito naman umano ang nangyari: “Malapad ang kwarto sa taas ng aming shop. Sa isang gilid ako natutulog, habang ang mekaniko doon sa kabilang gilid din ng kwarto. Siguro mga 10 hakbang ang layo namin sa isa’t isa. Sa aking panaginip, palakad-lakad nang pabalik-balik ang babaeng itim. Mahimbing ang tulog ng mekaniko. Bumangon ako at pagalit na sinabihan ang babaeng itim: ‘Hoy, anong ginagawa mo? Anong kailangan mo?’ Tumigil sa paglakad ang babaeng itim at tumingin sa akin. Mga sampung segundo siyang nakatitig sa akin at ako’y nagising. Nagising ako na nakabangon na at ‘yung mekaniko, kung ano ‘yung posisyon niya sa aking panaginip, ‘yun din ang posisyon niya nang ako’y gising na.”

Ito naman pangatlo ang tila pinakamatindi sa lahat. Dahil ayon kay Fem, hindi na umano siya siguardo kung totoo pa ba o panaginip pa rin ang nangyari:

“Hindi ko alam kung panaginip o totoong nangyayari habang ako’y tulog. Pero damang-dama ko na umalsa ang aking katawan sa folding bed. Parang gusto akong kunin ng babaeng itim. Hindi ako makagalaw nang maayos. Mabuti na lang, napahawak ako ulit sa gilid ng folding bed. Saka ko naramdaman na nakalapat ulit ang aking likod sa higaan. Nagising ako na sobrang sakit ng aking mga braso at leeg.”

Napansin din umano ni Fem na kapag nasa shop siya, marami silang benta. Pero kapag umuuwi na siya ng Iloilo, halos wala silang kinikita. Mas malakas din umanong magparamdam ang ang babaeng nakaitim kapag wala siya. Mas nagiging agresibo. Kataka-takang gumagana raw mag-isa ang ilaw ang Bluetooth speaker naka-off at deadbatt. Pati ang tubig sa CR, biglang nabubuhay. Nahuhulog din umano ang lalagyan nila ng pinggan.

Kaya nagdesisyon si Fem na magpatingin na sa albularyo. Sabi ng kinonsultang manggagamot, gusto ng babaeng nakaitim na doon na siya mag-stay sa shop, Gusto raw kasi nitong sapian ang katawan niya.

“Ngunit,” pasubali ni Fem, “hindi niya iyon magawa dahil mayroong engkantong lalakeng itim na nakabantay sa akin mula noong teenager pa ako hanggang ngayon. Nakasunod sa akin kahit saan ako magpunta. (Dito ko na-prove na legit ang albularyo dahil hindi ko naman ikinuwento sa kanya ang tungkol sa itim na engkantong lalaki na ayaw humiwalay sakin. Ikukuwento ko ang tungkol dito sa susunod kong post).”

“Balik tayo sa babaeng itim. Sabi ng albularyo, hindi siya pwedeng paalisin sa aming shop dahil siya o sila ang nauna doon. Hindi na namin kinaya ang araw-araw at gabi-gabing pagpaparamdam nya. Patagal nang patagal, mas nagiging malakas at agresibo sa kaya tuluyan na kaming umalis.

“Siya nga pala, ang katabi naming bahay, which is ang may-ari ng building, ay isang ancestral house na itinayo noong 1930. Parte ng lupang ‘yun ang shop namin. Kaya kami na ang kusang umalis dahil sa kanila [mga itim na engkanto] talaga siguro ang lugar na ‘yun.”

Sa eksklusibong pamayam ng Balita kay Fem, matagal na umano siyang naniniwala sa mga kababalaghan.

“Simula noong bata pa ako.. experiences from aswang to maligno to engkanto. Some are not my personal experience but from family members na na-witness ko,” kuwento niya.

At hanggang ngayon daw, nakakaranas pa rin si Fem ng mga kababalaghan sa mga engkanto na tila hinihikayat siya na sumama sa mundo ng mga ito. Kaya para maigpawan ang nararamdamang takot mula sa mga karanasang ito, nagtatapang-tapangan umano siya.

“Pero at the back of my mind and deep inside, taimtim po akong nagpe-pray kay Lord,” sabi pa niya.

Kung pagbabatayan ang mga inilatag na paliwanag kanina sa itaas tungkol sa panaginip, ano kaya ang posibleng kahulugan ng panaginip ni Fem. Sino ang babaeng itim na nagpakita sa kuhang larawan ng kaniyang mekaniko? Alternate version ng kaniyang sarili mula sa ibang uniberso? O baka isa sa mga nilalang na natawag ng kaniyang isip nang hindi niya namamalayan? Puwede ring isang mensahe mula sa Maylikha?

Masyado nang marami ang tanong para sagutin. Mas mabuti sigurong ipaubaya na lang muna sa panahon ang lahat. Dahil sabi nga sa isang maikling kuwento ni Edgar Calabia Sabar, may mga bagay na sinasagot ang panahon kahit na hindi ka nagtatanong.

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.