Viral ngayon sa social media ang video ng isang babaeng buntis na sinigawan ng ilang mga indibidwal matapos umano siyang mag-park sa harap ng kanilang sasakyan sa NAIA 3 parking lot para umihi saglit.

Sa ">TikTok post ng nagngangalang Kat, ibinahagi niyang nangyari ang insidente nitong Martes ng umaga, Oktubre 31.

“4 months pregnant po ako at dahil po ihing ihi na po ako at walang available na parking space, nagdecide po ako na magpark sa harap ng ibang sasakyan pero nag-iwan po ako ng note na nakalagay na mag-cr lang po ako at iniwan ko din po ‘yung cp number in case na may lalabas po na sasakyan ay ma-contact nila ako,” salaysay ni Kat sa kaniyang post.

Nang makatanggap umano siya ng tawag mula sa isang babae ay nagmadali na raw siyang bumalik sa sasakyan kasama ang kaniyang 11-anyos na anak.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

“Pero palapit pa lang po kami ay pinagmumura na po nila ako. Galit na galit po sila dahil nakaharang ‘yung sasakyan ko at pinagsisipa pa nila,” kuwento ni Kat.

“Humihingi po ako ng pasensya sa kanila pero tuloy pa din po ‘yung pagmumura nila sa’kin. Sinabi ko din na buntis po ako at need ko lang po talaga magcr pero pinagmumura pa din nila ako at sinabihan ako na wala daw silang pakialam kung buntis ako.

“Pilit pa po nila binubuksan ung pinto ng sasakyan ko at sinisira ung side mirror habang lumilipat na ako ng pwesto. Makikita nyo din po jan na nagdirty finger pa po sakin ung isa nilang kasama,” saad pa niya.

Hindi naman na raw nakuha ni Kat ang plate number ng kanilang mga sasakyan dahil umano sa takot.

“Sobrang takot ko po para sa safety ko at ng anak ko kaya hindi ko po nakuha ung plate no. ng sasakyan nila. Nagreport po ako sa airport police pero wala daw pong cctv sa parking area,” ani Kat.

“Sana po ay matulungan nyo ko na ma-identify ang mga taong ito at mapanagot po sila sa maling ginawa nila sa akin at sa anak ko,” dagdag pa niya.

**Nagpadala ng mensahe ang Balita kay Kat ngunit habang sinusulat ito’y wala pa siyang tugon dito.