Viral sa social media ang isang video na in-upload ni Police Colonel Jaime Santos ng Las Piñas City Police Station, kung saan isang lalaking nahablutan umano ng cellphone ang nagtakbo ng motorsiklo ng snatcher at dinala sa presinto.
Sa live video ni Santos sa Facebook noong Linggo, Oktubre 29, inihayag nitong naagawan ng cellphone na nagkakahalaga ng ₱10,000 ang biktimang lumapit sa kanilang presinto na si Mark Russel Zapata sa Alabang Zapote Road noon ding Linggo, dakong 7:00 ng umaga.
Nang makuha raw ang cellphone ni Zapata, nakipagbuno raw siya sa snatcher nito na may dala-dalang motor, kaya’t naagaw naman umano niya ang susi at tinakbo ang motorsiklo nito.
“‘Yan po ang problema na tinatahak namin ngayon,” tila nagpipigil ng tawang sabi ng city police chief. “Napakapambihirang kaso po nito, dahil ito po ay nangyayari lamang sa TikTok.”
Sinabi rin ni Santos na nagkaroon umano ng lakas ng loob ang biktima na kunin ang susi ng motorsiklo dahil sa mga video na napapanood umano nito sa "Tiktok."
Bagama’t natatawa rin daw sila sa pangyayari, magtutungo umano ang kanilang police investigator sa Bacoor, Cavite dahil ito umano ang hinihinalang address ng snatcher, base sa ID na naiwan nito.
“Kaya po tayo nagla-live dito, kasi para po makita ninyo na ‘yung TikTok pala ay nagkakatotoo minsan,” saad ni Santos.
Habang sinusulat ito’y umabot na sa mahigit 79,000 reactions, 80,000 shares, at 7-million views ang naturang video.