Tila ang Pilipinas ay naging tahanan na umano ng mga misteryo at kababalaghan. Kaya para mas madagdagan pa ang takot na nararamdaman, sukatin ang tapang ng sarili. Gumala at suungin ang lima pang lugar sa bansa kung saan nagpaparamdam ang iba’t ibang elemento.

1. Malacañang Palace

Malacañang Palace (Courtesy: MB)

Kahit ang may pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, walang ligtas sa mga nakaambang kababalaghan

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon sa mga tala, nagpaparamdam umano sa palasyo ang mga kaluluwa ng mga dating pangulo ng Pilipinas. Sa katunayan, may nakapagsabing nakita umano ni Imee Marcos ang kaluluwa ni Manuel Quezon noong nanunungkulan pa dito ang kaniyang ama. May ilang empleyado rin ng palasyo ang nagkuwento tungkol sa umano’y pagpaparamdam ni Manuel Roxas sa Kalayaan Hall.

Pero bukod sa multo, may kapre rin umano sa Malacañang.

Minsan daw kasi, naisipan ng dating First Lady na si Ming Ramos na magtanim ng mga bulaklak sa labas ng state entrance na malapit sa puno ng Balete. Ang kaso, nalalanta lang ang bawat itinatanim niya sa kabila ng kaniyang natural na kakayahan sa paghahalaman.

Nagtanong tuloy ang isang staff ng Malacañang kung nagpaalam umano ang First Lady kay Mr. Brown–ang pinaniniwalaang kapreng tagapagbantay ng Balete at ng buong palasyo. 

Noong una, binalewala lang ng First Lady ang sinabi ng staff. Pero nang sinubukan na niyang magpaalam kay Mr. Brown, kataka-takang nabuhay ang mga tanim niyang bulaklak.

Matatagpuan ang Malacañang sa Jose Laurel Street, San Miguel, Manila. Itinayo ang palasyo noong 1750 at naging tirahan ng mga dayuhang Espanyol at Amerikano.

2. Balete Drive

Balete Drive (Courtesy: Wikimedia Commons)

Isa na siguro sa mga maituturing na popular na kuwentong kababalaghan ang tungkol sa Balete Drive, isang kalsada na matatagpuan sa New Manila, Quezon City. Sa katunayan, naging laman na ito ng mga dokumentaryo at pelikula. 

Maraming nagtutunggaliang bersiyon ng kuwento tungkol umano sa babaeng nakaputi na nagpaparamdam sa nasabing kalsada. 

May ilang nagsasabi na ang babae umano ay biktima ng hit-and-run. Ang iba naman, ginahasa raw ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May nagsasabi rin na estudyante raw sa UP Diliman. Sumakay sa taksi at dinala sa Balete Drive para gahasain. Pumapara daw ang multo nito sa mga dumadaang taksi para hanapin ang lumapastangan sa kaniya at maghiganti. Pero sa iba pang bersiyon, nagpakamatay daw sa nasabing kalsada ang babae. Binigti ang sarili.

Ano’t anoman, sa kabila ng mga berisyong ito, isa lang ang sigurado: ang babaeng nakaputi sa Balete Drive ay bahagi na ng pambansang takot ng mga Pilipino.

3. Manila City Hall

Manila City Hall (Courtesy: MB)

Sa disenyo pa lang ng estruktura ng Manila City Hall na hugis kabaong, may dala na agad itong takot sa sino mang makakikita dito. Itinayo ito noong 1939 sa pangunguna ng arkitektong si Daniel Burnham. Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nawasak. Pero muling itinayo noong 1946.

Dahil naapektuhan ng digmaan, nabalot ng misteryo at kababalaghan ang city hall. Ayon sa mga kuwento, tuwing sasapit umano ang alas-sais ng gabi, may mga hindi maipaliwanag na ingay na maririnig sa lugar gaya ng mabibigat na yabag ng paa.

Marami umanong kaluluwang naroon sa lugar na tila hindi pa rin tanggap na pumanaw na sila kaya pakiramdam nila ay empleyado pa rin sila dito.

4. Bitukang Manok

Bitukang Manok (VIA MB)

Ayon sa eksklusibong panayam ng iJuander kay Arch. Manuel Maximo Noche, itinayo umano ng mga Amerikano ang Bitukang Manok noong 1930s. Isa itong zigzag road na nagdudugtong sa bayan ng Pagbilao at Atimonan sa lalawigan ng Quezon. 

Dahil sa pakurbang disenyo at makipot na daan, maraming naitatalang kaso ng aksidente sa lugar. Kaya dumating sa punto na ipinagbawal na ang pagdaan dito ng mga malalaking sasakyan. Nilagyan din ng mga kongkretong harang ang gilid ng kalsada upang kahit papaano ay maiwasang mahulog sa bangin ang mga ito. Nagtalaga pa nga ng mga flag man na magsisilbing gabay ng mga nagmamaneho.

Pero bukod sa delikadong katangian ng Bitukang Manok bilang kalsada, tila may iba pang itinuturong dahilan ang ilang residente sa mga nangyayaring trahedya rito. Ayon sa kanilang mga kuwento at testamento, may babaeng nakaputi raw na pumapara ng mga dumadaang sasakyan sa lugar kapag gabi. Kung hindi raw ito hihintuan, malaki ang posibilidad na may masamang mangyari sa mga biyaherong lulan ng sasakyan.

Sa katunayan, noong 2018, may kumalat na video footage sa social media kung saan makikita ang isa umanong white lady na nakasakay sa likod ng isang maliit na truck habang binabaybay ang kahabaan ng nasabing kalsada.

5. Pindangan Ruins

Pindangan Ruins (Courtesy: La Union Tayo!)

Kapag ang isang lugar ay hitik sa kasaysayan, siguradong ito rin ay hitik sa mga kuwento ng kababalaghan. Ibig sabihin, marami na itong nasaksihan sa pagi-pagitan ng panahon–sakuna, digmaan, at kaunlaran.

Gaya ng Pindangan Ruins.

Ayon sa mga tala, ang Pindangan Ruins ay labi umano ng simbahang itinayo pa noong Mayo 6, 1786. Matatagpuan ito sa Barangay San Vicente, sa Lungsod ng San Fernando, sa lalawigan ng La Union. 

Naging pook ng karahasan ang Pindangan dahil lagi umano itong sinusugod ng mga pirata at mamumugot-ulo mula sa Cordillera. Dahil sa nangyaring trahedya, kahit ilang siglo na ang dumaan, may mga hindi pa rin daw matahimik na kaluluwa sa lugar. Kaya kung minsan, nakakakita ang ilang residente ng paring pugot habang bitbit ang ulo nito.

Ngayon, naihanda mo na ba ang sarili mo? Nakapili ka na ba kung alin ang unang lugar na susubok sa ‘yong tapang?