May mga kaluluwang hindi matahimik. Siguro dahil hindi nila matanggap na maaga silang pumanaw. Hindi natapos ang kanilang misyon sa mundong ibabaw. O kaya ay gustong maghiganti sa mga tao na kumitil sa kanilang buhay.
Kaya may mga kaluluwang patuloy na naglalagalag. Nakikigulo at nakikihalubilo sa mundo ng mga buhay. Minsan, nagpaparamdam. Pero madalas, nagpapakita.
Gaya ng kaluluwang nahagip sa larawan ng kapatid sa pananampalataya ni Pia Ramirez.
Ayon sa kuwento ni Pia sa isang Facebook online community, kuha umano ang larawan noong minsang mag-night swimming sila sa isang resort sa Buso-buso, Antipolo bilang bahagi ng kanilang Family Camp.
“Last Holy Week lang ito at unang gabi na napagpasyahan naming youth na mag-night fellowship sa mismong pool ng resort. Chikahan, snacks, at di mawawala ang pictures. Unexpectedly, may sumingit sa isa sa mga pictures na ako mismo ang kumuha,” pahayag ni Pia sa caption ng kaniyang post.
Dagdag ni Pia: “Impossible na ‘yung pinsan ko na bata ‘yun dahil tulog na sila noong oras na ‘yan at hindi niya abot nang effortless ang harang na ‘yan. Isa pa, walang paa ‘yung nasa picture and later on nagkasunod-sunod ang bad happenings sa event. May nalunod, may nagwawala, at may mga sumisitsit sa paligid kahit maglakad ka lang kung saan. Never again, Buso-buso. I won't mention the resort's name for it's privacy since ipapa-bless din daw ito ng may-ari. Huli na namin nalaman na may nagp4k4m4t@y daw dito mismo sa pool.”
Pahabol pa niya sa huling bahagi ng caption, wala raw talaga silang kilalang maikli ang buhok, nakasalamin, at halos limang talampakan ang taas gaya ng makikita sa nakunan niyang larawan.
“But I can't deny your opinion, guys. Wala namang kailangan maniwala o magpatotoo dito. Just sharing kung gaano kami na-goosebumps after seeing the photo just yesterday. And comparing with the other pics taken, diyan lang ‘yung may ganyan. Sa ibang picture na same time wala naman,” saad pa niya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, hindi tiyak si Pia kung ito ba ang kauna-unahang beses na nakaranas ng kababalaghan ang kaniyang kapatid sa pananampalataya.
“Actually, ‘di ko alam kung unang experience niya ‘yun pero kasi may iba na kaming feeling noon sa place ta’s na-confirm lang noong nakita ‘yung pic,” sabi niya.
Ayon pa sa kuwento niya, hindi lang umano ang kapatid niya sa pananampalataya ang nakaramdam sa kakaibang elementong naroon sa lugar.
“Like what I've said earlier, may iba na kaming guts sa place. Even isa naming ka-churchmate naaksidente sa pool. Nasipa siya n’ong isang ka-church ko ta’s ‘yung tubig pumasok sa lungs niya. As in ‘di na siya makahinga noon. Lahat hysterical until emergency alert na talagang need siya dalhin na sa ospital. Sobrang traumatic as in. ‘Tapos nasa loob na kami ng kwarto ng mga girls, nagdadasal dahil sa mga nangyari. Biglang may tumakbo sa labas ng hallway na mabibigat na yabag ng paa. Lahat kami napalabas noon kasi narinig ng lahat pero walang tao sa labas. And doon we started to realize something's really wrong.”
Sa palagay din ni Pia: “The negativity of the place radiates, and siguro dahil nabulabog namin sila for all of the past months na nabakante ang resort. Tho’ back then noong Katoliko ako, may paniniwala na bawal daw magsaya or magdiwang kapag Biyernes Santo kasi naghihirap si Jesus. Huli ko na lang narealize na, oo nga, shit, ba’t ako nagsasaya kung noon naniwala ako na bawal 'to? Somehow mali rin siguro talaga. Pero Christians kasi don't believe in such things like ghosts or entities. Kahit mga kasabihan or yung practices nga ng Catholics when it comes to lent season.”
Malamang sa malamang, isa lang sa marami pang kaluluwang naglalagalag dito sa mundong ibabaw ang nagpakita sa kuhang larawan ni Pia sa resort sa Antipolo. Hindi man ngayon, pero sana, dumating ang panahong matagpuan nito ang tunay na kapayapaan.
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.