Maraming biyayang ibinibigay ang paglalakbay sa tao. Nagagawa niyang kalimutan ang problema dahil dito. Nagiging maayos hindi lang ang pisikal kundi ang kaniyang mental na kalusugan. Bukod pa diyan, nagkakaroon ng mga bagong kakilala.
Pero paano kung sa gitna ng paglalakbay, bigla kang mapunta sa isang estrangherong lugar; sa lugar kung saan tila malayo sa kasalukuyan?
Gaya ng karanasan ng mga kamag-anak ni Lhoy Punzalan Solomon na ang kuwento ay ibinahagi niya sa isang Facebook online community.
“Lagi kong tinatanong sa tita ko kapag nagkikita kami kung totoo ba ‘yung kwento ni Mama tungkol doon sa ikinuwento niya. ‘Yung paglagpas nila ng talahiban, napunta sila sa ibang dimensiyon. And yet, kung ano ang kwento niya kay Mama dati around 1997, hanggang ngayon, ‘yun at ‘yun pa din ‘yung kuwento. Walang dagdag, walang bawas.
“1997 pa noong nangyari itong kakaibang experience nina Tita. Maulan that time. Galing sila ng Mandaluyong pauwi ng Laguna. Apat silang sakay ng Toyota nilang sasakyan (hindi ko alam kung anong model pero ‘yung mga uso noon na 4 seater na parang taxi ganoon).
“Nasa driver's seat sina Tito at Tita tapos ‘yung dalawang anak nila nasa likod. Ages 2 and 3 years old.
“Along the way, naulan habang binabaybay nila ‘yung Expressway. Madaling araw around 4 a.m. Paglagpas nila ng Expressway, mga nayon-nayon na. First time silang dadaan doon. Dahil maulan, naisip ni Tito na mag-shortcut para makauwi ng Laguna ng mas mabilis at mas maaga at makapagpahinga na pati ang mga bata.
“‘Tapos, biglang may bumusinang ambulansya. ‘Yung kotse nila at ambulansya lang ang laman ng kalsada. Sinundan na ni Tito ‘yung ambulansya na lumiko pakanan sa mga talahiban. Nagulat at nagtaka sila kasi wala namang ospital doon at lalong walang mga bahay-bahay. As in parang talahiban lang at kalsada.
“Hinayaan na lang nila hanggang sa makalagpas na sila ng sementeryo. Sabi ng pinsan ko na tatlong taong gulang noong panahong ‘yun, natatakot daw siya. ‘Wag daw hihinto. ‘Yun din pakiramdam nina Tito at Tita. Kaya sabi ni Tita: ‘Huwag tayong hihinto kahit anong mangyari. Drive ka lang. ‘Wag mabilis, ‘wag mabagal. ‘Yan, sakto lang.’
“Hanggang sa dulo may nayon. Nagulat sila wala ng ulan at tuyong-tuyo ‘yung kalsada. May isang babae na nakasuot ng Filipiniana na may dalang bilao na may bigas tapos isang lalaking nakasuot ng pangmagsasaka ‘yung damit.
“Nagtanong sila sa dalawa: ‘Excuse me po, Tatay, ‘Nay. Saan po daan dito patagos ng Laguna?’
“Tinitigan lang sila ng dalawang pinagtanungan na parang walang narinig. Tapos biglang itinaas ng mga ito ‘yung kanilang kanang kamay sabay turo pakanan.
“Ang weird daw. Kasi bukod sa ganoon ‘yung suot ng mga ito noong oras na ‘yun, parang mga sinauna pa raw ang hitsura. Tapos ‘yung paligid, madilaw. Parang polaroid na may hepa.
“Sinundan nina Tito at Tita ‘yung tinuro ng dalawang taga-doon. Paglagpas sa dulo, may arko kung saan nakalagay ang salitang ‘mabuhay’.
“Ganito ni Tita inilarawan ang lugar: ’Lahat madilaw. Para kang nasa ibang dimensiyon. Habang nadaan kami, may nakita kaming basketball court, mga nagche-chess, mga nanay na nagchi-chismisan sa mga bakuran, may mga batang naglalaro sa gilid ng kalsada. Lahat sila nakatingin sa amin. Parang tumigil silang lahat kasi nandoon kami. Alam n’yo ‘yung ganoong pakiramdam? Ganoon. Natakot na kami. Sabi ko sa asawa ko, ‘wag mo bubuksan ang bintana pati mga pinto kahit na anong mangyari. May mga bata tayong kasama’.
“Lahat daw ng mga tao parang tumigil at nakatingin lang sa kanila na parang ngayon lang nakakita ng tao ang mga ito. ‘Yung hitsura ng mga ito, parang mga lumang tao gaya ng dalawang pinagtanungan nila sa kalsada.
“Dahan-dahan silang nag-drive. Lahat ng mga tao, naglalapitan na sa kanila. Natatakot na raw sina Tita noong time na ‘yun. Ang gusto lang naman nila, makauwi ng Laguna. Itinuloy pa din nila ‘yung pagmamaneho nang mabagal. Hanggang sa may nakita na silang isa pang arko na may nakalagay na ‘maraming salamat sa pagtuloy’.
“Nawala na ‘yung mga tao at mga bahay. Pati ‘yung madilaw na ambiance.
“Biglang nagtanong si Tita kay Tito: ‘Ano ‘yung nadaanan natin, Pa?’
“Sagot naman si Tito: ‘Hindi ko din alam, Ma. Hindi ko alam.’
“‘Yung dalawang pinsan ko sa likod nakatulog na sa takot. Binaybay na nila ulit ‘yung kalsada. May nakita silang lalaking may hawak daw na manok panabong.
“Nagtanong sila: ‘Sa’n po dito ang labas papuntang San Pablo?’
“Nagsalita ‘yung lalaki: ‘A, diyan sa may kanto. May pilahan ng tricycle diyan. Diretsuhin n’yo lang may signage na diyan kung San Pablo ba punta n’yo.’
“Doon na sila nagtaka at napanatag kasi sumagot ‘yung lalaki at di na parang may hepa ‘yung kulay niya. Hanggang sa nakauwi na sila at nakapag pahinga.Pero ‘yung experience nila na ‘yun di nila makalimutan.
“Kaya ngayong nandito kami kina tita, ‘pag tinatanong ko siya, lagi niyang sinasabi: ‘Dii ko pa din alam ano o saan kami napunta. Basta dilaw na dimensiyon’.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita, tinanong si Lhoy kung nagkaroon din ba siya ng kuryusidad na mapuntahan ang tinatawag ng kaniyang tita na dilaw na dimensiyon.
“No, not even in my dreams. Though I have experienced a lot na nakakakita ng kung ano-ano. In fact, since high school marami akong na-experience especially when I was studying in Makati High School . And I feel that it's not normal. But ‘yun nga, hanggang ngayon parang namamalik-mata ako pero di na ganoon kadalas like noong ages 15-21,” sagot niya.
Pero sabi niya, bilang Katoliko, hangga’t may Diyos sa isip at puso, walang kahit anomang elemento ang makakasakop sa isang tao.
May mga paranormal expert na naniniwalang ang mga matatandang puno o lugar ay maaari umanong magsilbing lagusan o portal patungo sa ibang dimensiyon. Pero sa kasalukuyan, wala pang matibay na paliwanag ang siyensiya tungkol dito.
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.