Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na nakapagtala sila ng 29 na insidente ng karahasan na may kinalaman sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na nagresulta sa pagkamatay ng 19 na indibidwal, na kinabibilangan ng isang kandidato.
Sa panayam sa ANC, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na karamihan sa mga patayan ay naganap sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na aniya ay may pinakamalalang tensiyon at pinakamaraming ‘red areas of concern.’
Kinumpirma ni Laudiangco na isa sa mga napatay ay kandidato mismo sa eleksiyon, habang ang iba pa ay mga kaanak o di kaya ay supporters ng mga kandidato.
“For the validated election-related violence which resulted into deaths, we have 29 of them… [There were] 29 incidents resulting into 19 deaths,” aniya. “Most of those killed are either supporters or relatives of the candidates.”
Paglilinaw naman ni Laudiangco, ang naturang bilang ay mababa kung ikukumpara sa BSKE na idinaos noong taong 2018, kung kailan nakapagtala aniya sila ng mahigit sa 300 insidente ng karahasan, na nagresulta sa pagkamatay ng halos 100 indibidwal.
Gayunman, labis pa rin aniya itong nakakabahala at hindi dapat na ipagsawalang-bahala lamang.
Binigyang-diin ni Laudiangco na kailangang mapahusay pa ang sitwasyon at i-normalize ang eleksiyon sa mga tao, upang hindi ito magresulta sa anumang uri ng karahasan.
Samantala, mayroon din naman aniyang 19 katao ang nasugatan sa mga karahasang may kinalaman din sa eleksiyon.
“For the confirmed injuries related to the elections, [there are] 19,” ani Laudiangco.