Ang Pilipinas ay mayaman sa mga kuwento-kuwento at alamat na may kakaibang mga elemento. Isa sa mga masasalamin sa ating kultura ay ang mga urban legend o mga kuwentong kababalaghan na nagmumula sa mga iba't ibang panig ng bansa.

Ang mga urban legend na ito ay nagbibigay-buhay sa kakaibang mundo ng kababalaghan sa Pilipinas. Ipinakikita nito ang kasaysayan, kultura, at kakaibang pananampalataya ng mga Pilipino. Bagama't may mga pag-aalinlangan ukol sa kanilang katotohanan, ang mga kuwento ng kababalaghan ay patuloy na nagpapamana sa bawat henerasyon, nagbibigay-dagdag takot at kabatiran sa mga Pilipino ukol sa mga misteryo ng kanilang sariling kultura.

Narito ang sampung pinakakahindik-hindik at pinakamisteryosong urban legend na nagbigay-kilabot sa mga Pilipino na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon.

1. Ang "White Lady" ng Balete Drive

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Photo courtesy: Wikimedia Commons/Pixabay

Ang Balete Drive sa Quezon City ay kilala sa paglalakbay ng isang puting babae sa gabi. Ipinapagmamalupit nito ang mga motorista at tumatawid umano sa pedestrian lane. Nagsasabing namatay siya sa aksidente at siya'y nananatili sa daan upang hanapin ang kaniyang nawawalang asawa.

May ilang nagsasabi na ang babae umano ay biktima ng hit-and-run. Ang iba naman, ginahasa raw ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May nagsasabi rin na estudyante raw sa UP Diliman. Sumakay sa taksi at dinala sa Balete Drive para gahasain. Pumapara daw ang multo nito sa mga dumadaang taksi para hanapin ang lumapastangan sa kaniya at maghiganti. Pero sa iba pang bersiyon, nagpakamatay daw sa nasabing kalsada ang babae. Binigti raw ang sarili.

Ano’t anoman, sa kabila ng mga berisyong ito, isa lang ang sigurado: ang babaeng nakaputi sa Balete Drive ay bahagi na ng pambansang takot ng mga Pilipino.

MAKI-BALITA: KAKASA KA BA? 5 pang lugar sa bansa na nababalot ng kababalaghan

2. Ang taong ahas sa basement ng Robinsons Mall

Photo courtesy: Online Message (FB)/Buhay OFW (FB)

Ang kuwentong tungkol sa ahas sa ilalim ng Robinsons Mall ay matagal nang pinag-uusapan at pinagtatalunan. May mga iba't ibang bersyon ng kuwento tungkol dito, at karaniwang ito'y may kasamang elemento ng kababalaghan at pagkakatagpo ng isang taong ahas sa ilalim ng mall o basement.

Sinasabing kambal na ahas daw siya ni "Robina Gokongwei" at ang pagkain niya ay magagandang babaeng nagtutungo sa kanilang mall. Ito raw ang nagpayaman sa pamilya sa pamamagitan ng pagdumi ng ginto.

Nakaladkad pa ang pangalan ng aktres na si Alice Dixson matapos daw na hindi matuloy ang pagtatangkang paghulog sa kaniya sa basement upang ipalapa sa taong ahas. Binayaran daw siya ng malaking halaga upang hindi magsalita tungkol sa isyu.

Ayon pa sa mga sabi-sabi, ang mga sahig daw ng fitting room ng naturang mall ay kusang bumubukas palagos sa ilalim kung saan naroon ang taong ahas.

Ngunit kamakailan lamang ay pinabulaanan ni Alice ang naturang urban legend sa pamamagitan ng isang vlog na lumabas noong 2018.

“They directed me to the bathroom sa labas ng department store on the fourth floor para magpalit ng damit. Natatandaan ko nga may nag-uusyoso sa labas, and for some reason while I was inside the bathroom, I said, ‘Tuklaw, tuklaw’,” bahagi ng salaysay ng aktres.

“Now, I don’t really know kung bakit ko iyon ginawa. Siguro kasi, I was just being funny? I was trying to get a laugh sa mga kasamahan ko? I was being young and silly.”

Sa katunayan, naging endorser pa ng mall si Alice at ginamit pa sa promotion/commercial ang naturang urban legend. Nilinaw din ni Alice na hindi umano siya binayaran ng pamunuan ng mall.

Bagama't wala pang nakakakita nang personal sa nabanggit na taong ahas, mariin itong itinanggi ng mga Gokongwei, lalo na si Robina. Aniya, marahil ay gawa-gawa lamang daw ito ng kanilang mga katunggali sa negosyo noong araw. Pinabulaanan din ito ni Lance Gokongwei nang magkaharap sila ni Jaime Zobel de Ayala sa isang vlog.

Natanong ni Zobel de Ayala kay Gokongwei ang tungkol sa naturang urban legend.

“We’ve been plagued by this urban legend for decades. About time to set the record straight, okay? There is a real Robinson’s snake in the bodega of the mall,” tanong ni Ayala Corp. Chairman.

Itinaas ni Gokongwei ang “False”.

“That’s a definite falsehood,” tugon nito.

“Are you sure about that, Lance?”

“No snake. If there would have been a snake, my sister Robina would have caught it and converted it into a handbag that she sold in Robinsons.”

Ang tinutukoy niyang Robina ay si Robina Gokongwei-Pe, presidente at CEO ng Robinsons Retail Holdings Inc. na sinasabing babaeng kakambal ng taong ahas. Kaya raw Robinson ang pangalan ng mall dahil ang “son” ay tumutukoy sa kaniyang kakaibang kambal.

Bagay na pinabulaanan na noon ni Robina at nagsabi pang ibibigay niya ang branch na “Galleria” sa sinumang makapagpapatunay na totoo ang taong ahas.

Hanggang ngayon, wala pang nakapagpapatunay na totoo ito, kaya ang naturang branch ng mall ay nananatiling pagmamay-ari ng mga Gokongwei.

MAKI-BALITA: Urban legend sa isang mall, muling naungkat; paliwanag ng mga anak ng may-ari, binalikan

3. Ang hiwaga at kababalaghan ng Biringan City sa Samar

Fantasy Beautiful Dawn - Free stock photo on Pixabay - Pixabay

Photo courtesy: Pixabay

Ayon sa artikulo ni Raymond Lumagsao ng Balita, bagama't agrikultural na rehiyon at mayaman sa mga dinarayong paraiso ang Samar, tahanan din umano ito ng isang moderno, magarbo at maliwanag na siyudad, na piling espesyal na panauhin lang ang kayang dumayo.

Wala sa mapa ng bansa ang lungsod. Ngunit, sa hilagang bahagi ng Samar, partikular na sa bayan ng Pagsanghan at Gandara, ang pagitan nito’y tahanan umano ng Biringan. Sa katunayan, isang mayamang kuwento, kadalasan ay babala, ang sasalubong sa sinumang dumarayo sa lugar na ang pakay ay ang misteryo ng lungsod.

Hindi karaniwan ang mahiwagang lungsod. Ayon sa kaliwa’t kanang dokumentaryo at lathalain, kabilang ang mga salaysay mismo ng mga napadpad umano sa Biringan, malayo sa karaniwang lungsod ang hindi makamundong yaman nito. Kung susumahin, may mala-New York, Dubai nang lugar ang Pilipinas, ngunit ang mga nakasaksi, ilang mapalad na nakabalik sa realidad matapos pasukin ang Biringan.

Sa bayan ng Pagsanghan, isang kilalang puno ng acacia ang pinaniniwalaang pintong magbubukas sa mayamang Biringan. Kabilang dito, ilan pang bato, malawak na damuhan, o kahit na walang partikular na landmark, ang portal patungong Biringan ay maaaring magbukas umano sa mga lugar sa pagitan ng San Jorge, Gandara, Catarman, Calbayog, ayon ulat ng banyagang Night Terrors.

Ang sapilitang pagdukot daw ng engkanto ang maaaring maging daan para sa mahiwagang lungsod. Sa salaysay ng isang matandang lokal na residente sa ulat ng kilalang Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) sa Samar, kadalasang may magagandang wangis, parehong kababaihan at kalalakihan, ang napapadpad sa Biringan. Dagdag ng testimonya ng residente, ang pagkahumaling ng engkanto sa karaniwang tao ay kadalasang buhay ang kapalit.

Gyundin, sinuman daw ang maligaw sa pagitan ng mga nabanggit na bayan ng Samar ay may mataas na tsansang mapadpad sa nakatagong lungsod.

Bagaman mayabong at tila may mga ebidensya pang lumitaw umano ukol sa misteryosong lungsod kamakailan, wala pa ring mabigat na patunay sa likod ng tanyag na kuwento.

MAKI-BALITA: Hiwaga, kababalaghan at katotohanan sa nakatagong Biringan City ng Samar

4. Ang hindi matahimik na pagala-pagala at paring pugot ang ulo

Photo courtesy: Tim TV Story (FB)

Kadalasang ipinananakot ng mga nakatatanda sa mga bata noon ang tungkol sa isang paring walang ulo na nagmumulto raw sa iba't ibang luma at haunted na establishment gaya ng mga paaralan, pamantasan, sementeryo, simbahan, o sa alinmang kakila-kilabot na mga lugar.

Inilalarawan sila bilang mga paring pinugutan ng ulo noong panahon ng mga Espanyol, panahon ng mga Hapones, o Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at bitbit pa nila ang kanilang pugot na ulo sa kanilang mga kamay.

Malamang na pinatatag ang mga alamat ng mga pari na ito ng mga mas naunang kuwento tungkol sa mga biblikal na tauhan at mga martir na pinugutan ng ulo, tulad ni San Juan Bautista.

5. Ang misteryo sa pagkamatay ng aktres na si Julie Vega

Photo courtesy: MB/Cinema One

Matagal nang usap-usapan na kaya raw namatay ang sikat na aktres na si Julie Vega ay matapos itong saniban ng isang masamang espiritu habang nagsho-shooting ng 1984 Metro Manila Film Festival entry “Lovingly Yours, Helen (The Movie) sa San Miguel, Bulacan. Marami ang nanghinayang dahil nasa tugatog pa naman ng kasikatan si Julie nang pumanaw siya.

Sa nabanggit na anthology, napunta kay Julie ang role ng isang karakter na sinaniban ng masamang espiritu.

Makalipas ang 30 taon, sa panayam sa "Kapuso Mo Jessica Soho" ay nilinaw ng ina ni Julie na si Perla Postigo na hindi totoo ang mga sabi-sabing ito.

Ang ikinamatay umano ng anak ay "demyelinating disease." Ayon sa artikulo ng Manila Bulletin tungkol dito, binigyang-kahulugan ang demyelinating disease bilang isang kondisyon na nagreresulta sa pagkasira ng protective covering o myelin sheath na nakapalibot sa nerve fibers sa utak at spinal cord.

Kapag nasira ang myelin sheath, puwede itong magdulot ng pagbagal o pagtigil ng nerve impulses, na lalala sa neurological problems.

6. Ang kaso ni Maria Labo na kinain ang dalawang anak

Photo courtesy: GMA Network/GMA News

Kilalang kuwento sa Visayas, si Maria Labo raw ay isang overseas Filipino Worker o OFW sa Canada na nagtrabaho sa isang among may dala-dalang sumpa.

Nang pumanaw daw ang kaniyang amo, ipinasa niya kay Maria ang kaniyang sumpa na naging dahilan daw upang hanap-hanapin niya ang laman ng tao bilang pagkain.

Kaya ang ginawa raw niya, nang umuwi siya sa Pilipinas ay pinatay, niluto, at kinain niya ang dalawang anak na lalaki. Sa galit daw ng kaniyang asawa ay tinaga nito ang kaniyang mukha gamit ang isang machete.

7. Ang kaso ni Fr. Mallari, naitalang unang paring serial killer sa Pilipinas

Photo courtesy: via MB/Official poster of Mallari movie

Si Fr. Juan Severino Mallari daw ay isang serial killer na pari na naitala sa Pampanga noong 1810. Sinasabing mga nasa 57 katao raw ang napatay niya nang hawakan niya ang isang parokya sa nabanggit na probinsya. Ayon sa mga ulat, si Mallari ay nakaranas ng isang mental illness, isang malalang "psychosis."

Dahil nabuhay siya sa panahong hindi pa malaganap ang teknolohiya lalo na sa Pilipinas, ang mga katulad ni Fr. Mallari ay itinuturing na baliw at kinatatakutan. Sa darating na 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang buhay ni Mallari ay itatampok sa isang pelikula sa pagganap ni Piolo Pascual.

MAKI-BALITA: Official entry ng mga pelikula sa MMFF 2023, pinangalanan na

8. Ang unang aswang sa Pilipinas na si Teniente Gimo

Photo courtesy: Official poster of Teniente Gimo movie

Si Teniente Gimo ay isang tunay na tenyente noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas na tubong Dueñas, Iloilo, na sinasabing kauna-unahang aswang daw sa Pilipinas.

Maraming bersyon ang kuwentong ito subalit ang pinakatanyag, inanyayahan daw ng kaniyang anak na si Maria ang kaniyang dalawang kaibigan sa kanilang bahay. Maraming pagkain ang inihain sa kanilang hapunan na para bang may pagdiriwang. Pagkatapos kumain, nagpasya si Maria at ang kaniyang mga kaibigan na doon na matulog sa kanila. Bago matulog si Maria at ang kaniyang mga kaibigan, pinalitan nila ang kanilang mga personal na kagamitan. Hiniram ni Maria ang isang kuwintas mula sa isa sa kaniyang mga kaibigan at isinuot ito bago matulog.

Noong gabing iyon, nais kainin ni Gimo ang isa sa mga kaibigan ni Maria, na ang naging palatandaan niya ay ang suot nitong kuwintas. Nang sumalakay na siya sa kuwarto ng kaniyang anak, agad niyang sinagpang ang babaeng may suot na kuwintas. Nang magbukang-liwayway, napagtanto ni Gimo kung sino talaga ang kaniyang kinain, walang iba kundi ang sariling anak na si Maria. Walang nakaaalam kung ano ang nangyari sa mga kaibigan ni Maria. May mga taong naniniwala na sila ang nagkalat ng kuwento.

9. Ang pag-aalay ng dugo ng tao sa mga itinatayong gusali

Photo courtesy: Pixabay

May paniniwalang inaalayan o pinapatakan ng dugo ng tao ang mga gusaling itinatayo upang mas tumibay pa ito, kaya normal na lamang kapag may namamatay na construction worker o kaya ay nawawalang mga tao kapag may ginagawang gusali o anumang malalaking establishment.

Ang iba raw, sinasadyang ihulog ang kanilang mga kasamahang construction worker upang ang dugo nito ay dumanak sa gusali. Wala pa namang napatutunayan hinggil dito.

10. Ang 'isinumpang painting' ni Juan Luna sa National Museum

Photo courtesy: Esquire Philippines/Wikimedia

Ayon sa mga sabi-sabi, ang painting na pinangalanang "Portrait of a Lady" ay sinasabing may dalang sumpa dahil ginawa ito ni Juan Luna dahil sa matinding galit, na nagdulot sa kaniya upang gawin ang isang "crime of passion." Nagduda umano siyang nagtataksil ang kaniyang asawang si Paz Pardo de Tavera kaya napatay niya ito sa pamamagitan ng pagbaril, gayundin ang kaniyang biyenan.

Sinasabing ang mga nagmay-ari ng painting ay minalas sa buhay at nagkaroon ng malalagim na kapalaran. Naba­ngkarote umano ang negosyo ni Manuel Garcia. Naaksidente si Betty Bantug Benitez sa Tagaytay. Labis na nagkasakit si Tony Nazareno. Ang huling pamilyang nagmay-ari daw nito ay ang pamilya Marcos, na napaalis naman sa poder noong People Power I. Simula noon, wala na raw nagtangkang bilhin ang portrait dahil nagdudulot daw ito ng kamalasan sa sinumang magmay-ari nito.

Ang painting ngayon ay nasa pangangalaga ng National Museum. Ang dati raw pangalan nito ay "Paz Pardo de Tavera" subalit pinalitan ito ng "Portrait of a Lady" dahil ang babaeng nasa pinta ay napag-alamang hindi raw ang misis ni Juan Luna kundi ibang babae.

Alin sa mga urban legend sa itaas ang pinaniniwalaan mong totoo?