Inanunsiyo ng Toll Regulatory Board (TRB) na epektibo sa Nobyembre 3 ay magpapatupad ng toll rate hike ang South Luzon Expressway (SLEX) at Muntinlupa–Cavite Expressway (MCX).
Sa abiso ng TRB, nabatid na alinsunod sa naturang toll rate adjustment sa SLEX, ang mga motoristang bumibiyahe mula Alabang hanggang Calamba ay magbabayad ng karagdagang ₱10.00 para sa Class 1 vehicles; ₱20.00 para sa Class 2 vehicles at ₱30.00 naman para sa Class 3 vehicles.
Ang mga bumibiyahe naman mula sa Calamba hanggang Sto. Tomas, Batangas ay magbabayad ng karagdagang ₱4.00 para sa Class 1 vehicles; ₱6.00 para sa Class 2 vehicles; at ₱8.00 naman para sa Class 3 vehicles.
Samantala, sa MCX toll gates naman, nasa ₱1.00 ang toll rate hike para sa Class 1 vehicles; ₱2.00 para sa Class 2 vehicles at ₱3.00 naman para sa Class 3 vehicles.
Ayon sa TRB, noong Setyembre 12, 2023 ay inotorisa nila ang koleksiyon ng provisional toll rate adjustments para sa SLEX, alinsunod sa mga petisyon para sa Periodic Toll Rate Adjustments para sa taong 2012 at 2014.
“Recently, SMC SLEX, Inc. and Manila Toll Expressways Systems, Inc. have notified TRB that they intend to implement the collection of the subject toll rate increase starting November 3, 2023,” anito pa. “This is the 1st periodic toll rate adjustments for SLEX since 2011.”
Samantala, inaprubahan din ng TRB ang provisional toll rate adjustments para sa MCX alinsunod naman sa mga petisyon para sa approval ng Periodic Toll Rate Adjustments para sa 2018 at 2020 na inihain ng Ayala Corporation.
Upang mapagaan naman umano ang impact ng mga toll rate hikes sa mga motorista, ipatutupad ang mga naturang toll rate adjustment sa dalawang tranches.
Anang TRB, ang unang tranche nito ay ipatutupad ngayong taon habang ang ikalawang tranche naman ay asahan na sa susunod na taon.