Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa publiko na unahin at gawing prayoridad ang mga senior citizen, persons with disability (PWDs), mga buntis at mga inang may dalang maliliit na anak, sa libreng e-trike services na ipagkakaloob sa mga sementeryong pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan.

Ang panawagan ay ginawa ng alkalde kasunod na rin ng inaasahang pagdagsa ng maraming tao sa mga sementeryo sa paggunita ng Undas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Batay sa ulat na nakarating sa alkalde, nitong Oktubre 29 pa lamang ay mahigit 45,000 katao na ang dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC).

Personal namang nag-ikot ang alkalde sa loob ng naturang mga sementeryo nitong Lunes, matapos siyang bumoto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Legarda Elementary School sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay MNC Director Yayay Castaneda, nitong Linggo ay nasa 38,700 ang bumisita sa MNC mula 5:00AM hanggang 5:00PM habang 6,850 naman ang dumalaw sa MSC.

Kakaunti naman ang nagtungo sa mga sementeryo nitong Lunes dahil na rin sa pagdaraos ng halalan.

Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang alkalde sa publiko na tumalima sa ilang mga pagbabawal na ipinatutupad sa mga sementeryo ngayong Undas.

"Muli kong paalala na ipinagbabawal na dalhin sa semeteryo ang mga sasakyan, mga nakakasunog na bagay tulad ng lighter at sigarilyo, mga matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, baril, mga nakakalasing na inumin, mga gamit pangsugal tulad ng baraha at bingo at mga videoke o mga speaker at sound system na maaaring makabulahaw," ani Lacuna.

Pinaalalahan din ng alkalde ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatapon ng kanilang basura sa tamang basurahan.

Nabatid na ang MNC at MSC ay bukas sa publiko mula 5:00AM hanggang 5:00PM hanggang sa Nobyembre 2, 2023.