Target ng Commission on Elections (Comelec) na mapalawak pa ang mall voting program sa buong bansa sa 2025 elections.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia nitong Lunes matapos na maging maayos, mabilis at kumbinyente para sa mga botante ang mall voting na isinagawa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa kanyang pag-iinspeksiyon sa Robinsons Manila, na isa sa 11 malls na lumahok sa pilot implementation ng mall voting program para sa BSKE, sinabi ni Garcia na kakausapin nila ang mga mall owners at operators na baka maaaring payagan silang makapagdaos ng botohan sa lahat ng malls.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga mall owners at operators dahil sa pagpayag ng mga ito na magamit ang kanilang mga pasilidad para sa halalan.

Ayon kay Garcia, napakalaking tulong ang nagawa ng mga ito sa halalan dahil nakatitipid na sila ay hindi pa nasisira ang mga paaralan at kumbinyente at maayos pa ang sitwasyon ng mga botante, gayundin ng electoral boards.

“Sobra ang pasasalamat natin sa kanila… Napakalaking tulong nito sapagkat rather than us spending something tulad ng ginagawa natin sa mga eskwelahan, di pa nasisira ang schools at the same time ang ating electoral board, ang ating mga guro, napakaayos ng kanilang sitwasyon,” aniya.

Bukod sa Robinsons Manila, kabilang pa sa 11 mall na lumahok sa mall voting program ay ang SM North, SM Sucat, SM Fairview, SM Legazpi, SM Consolacion, SM Manila, Robinsons Magnolia, Robinsons Metro East, Robinsons Las Piñas, at Robinsons Cebu.

Nabatid na eligible na bumoto sa mga malls ang mga residenteng naninirahan sa mga katabi nitong barangay.