Patay ang isang guwardiya nang dalawang beses barilin ng shotgun sa ulo ng kanyang kapwa guwardiya matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito sa loob mismo ng binabantayan nilang construction site sa San Mateo, Rizal noong Sabado ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Anthony Letada, 20, habang mabilis namang nakatakas ang suspek na kinilala lang sa pangalang ‘Mark,’ kapwa security guard ng Onerove LJCMS Security Agency.

Metro

MMDA, dinepensahan traffic enforcer na pinagbintangang nagtatago sa kalsada

Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng Traveo Subdivision Project construction site, na matatagpuan sa Brgy. Guitnang Bayan 2, San Mateo, Rizal, at pinagtatrabahuhan ng biktima at suspek.

Lumilitaw sa salaysay ng mga testigong tumangging magpabanggit ng pangalan, na bago ang krimen ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang guwardiya na nauwi sa suntukan.

Nang maawat ang mga ito ay umalis umano ang suspek at pumasok sa kanilang barracks.

Gayunman, pagbalik nito ay bitbit na ang isang shotgun at dalawang ulit na pinaputukan sa ulo ang biktima.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na itong tumakas, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek upang panagutin sa krimen at sampahan ng kaukulang kaso.