Naglabas ang Marikina City Government ng ilang gabay at mga paalala para sa paggunita ng Undas 2023 sa lungsod.

Sa isang Facebook post, nabatid na naglatag ang lokal na pamahalaan ng mga hakbangin upang maging ligtas ang mga bibisita sa mga sementeryo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Anang Marikina City Government, upang maibsan ang traffic at maiwasan ang pagkakaipon ng mga sasakyan sa mga sementeryo lalo sa Loyola Memorial Park na pinakamalaking himlayan sa lungsod, ang kahabaan ng A. Bonifacio Avenue mula sa Barangka Fly-Over hanggang Marikina Bridge (Tulay) ay gagawing one-way traffic patungo sa kabayanan (Marikina City proper), simulan sa Oktubre 31, 2023, ganap na alas- 12:00 ng tanghali hanggang Nobyembre 2, 2023 alas-12:00 ng hatinggabi.

Pagsapit naman ng alas-12:01 ng madaling araw ng Nobyembre 3, 2023 ay kaagad ring ibabalik sa normal two-way traffic ang nasabing kalsada.

Dagdag pa nito, sa nasabing panahon ay ipatutupad ang ilang mga sistema.

Anang pamahalaang lokal, ang lahat ng mga sasakyan patungo sa Loyola Memorial Park mula sa Barangka Fly-Over pababa ng A. Bonifacio Avenue ay kailangang gumawi sa daloy ng trapiko sa kaliwang bahagi ng kalsada upang makapasok sa Loyola Memorial Park Gate 2 Entrance.

Ang lahat naman ng mga sasakyan na patungo sa kabayanan ay kinakailangan na nasa kanang bahagi ng kalsada.

Ang lahat ng mga sasakyan mula sa C-5 By-Pass Road o Marcos Highway na dadaan sa loob ng Riverbanks Avenue ay kailangang lumabas sa Riverbanks Avenue at Bonifacio Avenue upang makapunta sa kabayanan o Loyola.

Ang lahat ng mga sasakyan na galing sa loob ng Loyola na lalabas sa Gate 1 Exit area ay maaaring kumanan sa Don Gonzalo Puyat St., Paspasan St., at Chorillo St. at kakanan sa A. Bonifacio Ave. patungong Quezon City.

Ang lahat ng mga sasakyan na patungo sa Quezon City galing sa kabayanan ay maaaring dumaan sa kahabaan ng J.P. Rizal St. palabas sa Marcos Highway.

Samantala, upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga dadalaw sa yumao, magkakaroon ng Incident Command Post sa Loyola Memorial Park at sa iba pang sementeryo sa lungsod (Our Lady of the Abandoned Parish Cemetery, Holy Child Cemetery, Aglipay Cemetery, at Barangka Public Cemetery).

May nakaantabay dito na emergency medical teams, public safety operatives, health stations, ambulansya, pulis, at alagad ng pamatay-sunog.

Ang mga ito ay pangangasiwaan ng central command center sa pamamahala ng Office of Public Safety and Security at Rescue 161 (Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office).

Ipinapaalala rin ng lokal na pamahalaan na ipinagbabawal sa mga sementeryo ang pag-akyat o pagtuntong sa ibabaw ng mga nitso; pagdadala ng patalim, matutulis at nakasusugat na bagay; pagpasok nang lasing o nakainom at pag-inom ng alak o anumang nakalalasing na inumin; paghuhubad; pag-ihi sa hindi tamang lugar; pagkakalat ng basura; pag-iingay na maaaring maging sanhi ng perwisyo sa iba; pagsingha o pagdura; pagparada ng sasakyan sa bawal na lugar at paggamit ng plastic at styrfoam products

Hinihikayat din ang mga dadalaw sa sementeryo na magdala ng panangga sa ulan o init ng araw, at hanggang maaari ay magsuot ng face mask bilang proteksyon.

Dagdag pa nito, sa panahon ng emergency, maaaring tawagan ang mga hotline numbers na Rescue 161/Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office 161 (gamit ang landline); 02 161 (gamit ang mobile/cellular phone) 8646 2436 hanggang 38; 8646 0427; 7273 6563; 0917 584 2168 (Globe); 0928 559 3341 (Smart); 0998 977 0115 (Smart) at 0998 579 6435 (Smart).