Hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 na maging responsable sa kanilang pangangampanya para sa halalang idaraos sa Oktubre 30.

Ayon kay Abp. Bendico, kabilang sa mga dapat na maging katangian ng lingkod-bayan ang pagiging huwaran sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas sa mga kinasasakupan tulad ng pangangalaga sa kalikasan.

"During election campaigns, as it is very difficult for us to escape from tarpaulins and plastics, let us support as ever the values of recycling, re-using, and reducing," pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Iginiit pa ng arsobispo na dapat tiyakin ng mga kandidato na ang mga ginamit na campaign materials ay maidi-dispose ng maayos o mapapakinabangan sa ibang pamamaraan matapos ang pangangampanya at eleksyon.

Ipinaalala ng arsobispo na kapag napabayaan ang mga campaign material ay maaari itong magdulot ng kalat sa kapaligiran na kalaunan ay magiging malaking suliranin pa sa mga pamayanan.

"I call on election candidates to be conscious of taking care of their campaign materials like tarpaulins and plastics that can end up being garbage in our canals and rivers," ayon kay Bendico.

Tagubilin pa niya sa mamamayan na piliing mabuti ang mga kandidatong karapat-dapat na ihalal sa posisyon at unahin ang kapakanan ng kanilang nasasakupan.

Ang mga maihahalal naman na kandidato ay hinikayat na maging tapat sa tungkulin at tiyaking mapagkakatiwalaan ng taumbayan sa maaayos na pamamahala sa pamayanan.

Ang campaign period para sa BSKE ay sinimulan noong Oktubre 19 at magtatagal hanggang sa Oktubre 28.